NCR Plus isasailalim sa MECQ simula Lunes; OCTA may nakikitang pag-asa sa pagpalawig ng quarantine restrictions

Screenshot mula sa Facebook Live ni Sec. Roque
  • Isasailalim na sa MECQ ang NCR Plus simula Abril 12 hanggang Abril 30
  • Naniniwala naman ang OCTA na ‘epektibo’ ang ECQ sa NCR Plus
  • Ganun pa man, mas dapat paigtingin pa ang testing at contact tracing

Isasailalim na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at karatig-probinsiya ng Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan (NCR Plus) simula sa Lunes, Abril 12.

Nitong Linggo nang hapon, pormal na inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pagbabago sa quarantine restrictions sa nabanggit na lugar matapos ang dalawang linggong ECQ.

Screenshot mula sa Facebook Live ni Sec. Roque

Kasabay nito, MECQ rin ang Santiago City, at ang mga probinsiya ng Quirino at Abra; GCQ ang ibang bahagi ng Luzon , Mindanao at BARMM; habang MGCQ ang natitirang bahagi ng bansa.

Magtatagal ang MECQ sa NCR Plus hanggang katapusan ng buwan o Abril 30.

‘There is hope’ – OCTA

Samantala, epektibo umano ang ipinatupad na enhanced Community quarantine (ECQ) sa NCR Plus sa pagpapababa ng reproduction at growth rate ng COVID-19 nitong nagdaang mga araw ayon sa OCTA Research Group ng University of the Philippines (UP).

Dahil dito, hiling ng research team na sana ay palawigin pa ang ECQ sa mga nasabing lugar upang mas higit pang mapababa ang bilang ng hawahan sa mga susunod na araw.

Ayon sa OCTA, mula sa dating 1.88 na reproduction number noong mga nagdaang linggo ay bumaba ito sa 1.23 na lamang nitong nakaraan. Ang growth rate naman umano hanggang nitong Abril 10 ay nasa -9% habang ang positivity rate ay nasa 25%.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng tao na nahahawan ng bawat isang may COVID-19.

Bagama’t bumaba umano ng 19% ang average na nagagawang tests kada araw kumpara noong linggo bago ipatupad ang ECQ, naging epektibo naman daw ang mahigpit na quarantine restriction para mapababa ang growth rate sa Metro Manila.

“Nevertheless, the ECQ has been effective in reducing the growth rate and reproduction number in the NCR. There is hope that the NCR will be on a downward trend by next week,” ayon sa OCTA.

Pasay City lockdown| Imahe mula sa ABS-CBN News

Naobserbahan din ng team ang mas bumabang growth rate sa mga lungsod ng Pasay, Marikina, Mandaluyong, Taguig, Manila, Makati, Las Piñas, Valenzuela, at Quezon City. Bagama’t isa itong magandang indikasyon, maaga pa para sabihing nasa ‘downward trend’ na ang kaso ng COVID sa mga nabanggit na lugar.

Ang pagkakaroon ng mahigit sa 1 na reproduction number, wika pa ng OCTA, ay nangangahulugang nasa ‘high utilization’ pa rin ang mga pagamutan sa Metro Manila.

Dahil dito, inirerekomenda ng research group ang mas pinaigting pa na testing, contact tracing, at isolation upang maibaba na sa mas maluwag na quarantine status ang rehiyon.

Loading…