Online registration para sa National ID System simula na sa Abril 30

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Magsisimula na sa Abril 30 ang online registration para sa National ID System
  • Ito ay step 1 pa lamang at kailangan pang magtungo ang mga aplikante sa mga centers para sa step 2
  • Target ng PSA na makapagrehistro ng nasa 70 milyong Pilipino bago matapos ang 2021

Sisimulan na sa Biyernes, Abril 30, ang online registration para sa National ID System, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua.

Ilulunsad na umano ng NEDA ang online portal para sa nasabing registration upang makalap ang demoraphic data ng mga nais mag-apply ng national ID.

Imahe mula sa PSA Facebook

Subalit nilinaw ni Sec. Chua na kailangan pa ring magtungo ang aplikante sa kanilang registration centers upang makunan ng biometrics at magbukas ng bank account kung wala pa.

Makatutulong umano ang national ID system sa gobyerno para mapabilis ang vaccination program at pamamahagi ng ayuda, bukod pa sa magiging daan din ito para sa mga low-income families na magkaroon ng sariling bank account.

Samantala, ibinahagi naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 17 milyong Pilipino ang nakatapos na sa step 1 ng registration nito lamang first quarter ng 2021.

Imahe mula sa PSA Facebook

Ang step 1 ay ang ginawang pagbabahay-bahay ng PSA para makakuha ng data mula sa mga low-income family households at mabigyan sila ng appointment para sa Step 2.

Ito ay maliban pa  sa 10.6 milyong Pinoy na nakapagrehistro na rin simula noong Oktubre 2020 kaya umabot na sa mahigit 28 milyon ang registration na nakolekta ng PSA.

Hanggang nitong Abril 20, umabot na rin sa 4.6 milyon katao ang nakatapos na ng step 2 kung saan nakapunta na sila sa mga registration centers para sa biometrics.

Kapag natapos na ang step 2, hinhintayin na lamang ng mga aplikante na dumating ang kanilang national ID.

Imahe mula sa PSA Facebook

Kaugnay nito, sinabi naman ni PSA Asec. Rose Bautista na magsisimula na ang paglilmbag ng ID sa darating na Mayo.

Target ng PSA na makapagrehistro ng nasa 70 milyong mamamayan bago matapos ang kasalukuyang taon.

Noong nakaraang Marso, nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pinoy na bigyang pagkakataon ang National ID System sapagkat malaking ginhawa umano ang dulot nito lalo na sa mga transkasyon sa gobyerno.

Loading…