Operasyon ng community pantry sa QC ipinatigil ng barangay chairman

Imahe mula sa Facebook
  • Ipinatigil ng pamunuan ng isang barangay sa Quezon City ang operasyon ng mga community pantries
  • Nais ng Barangay captain na pag-isahin ang lahat ng community pantries at idaos iyon sa St. Paul the Apostle Church
  • Nangangamba ang organizer na lalong hahaba ang pila kung pag-iisahin ang mga community pantries

Ibinahagi ng isang organizer ng community pantry sa Quezon City, na anim na araw nang namamahagi ng ayuda, na ipinatigil ng punong barangay ang kanilang operasyon.

Imahe mula sa Facebook

Ayon sa organizer, batay sa bagong guidelines na inilabas ni Quezon City Mayor Joy Belmonte hinggil sa mga community pantry, kailangan nang magkaroon ng pakikipagkoordinasyon ang organizers sa pamunuan ng barangay kung saan nakapuwesto ang community pantry.

Bilang pagtalima sa bagong guidelines, sa pamamagitan ng isang pormal na liham ay nakipag-coordinate ang organizer ng Scout Dr. Lazcano Community Pantry sa pamunuan ng Barangay Laging Handa para sa pagpapatuloy ng kanilang pagbibigay ng ayuda sa mga residente.

Ngunit hindi na pumayag ang chairman ng Barangay Laging Handa na si Jose Mari Rodriguez. Ayaw umano nitong makompromiso  ang kalusugan at seguridad ng mga residente ng barangay lalo na’t ang karamihan daw ng mga nagtutungo sa community pantry ay galing sa ibang barangay.

Magalang naman ang tugon ng barangay chairman sa organizer ng community pantry.

“We regret to decline your good purpose for the moment. We will be in touch for new arrangements with all pantries,” sabi ni kapitan sa kanyang tugon sa liham ng organizer.

Imahe mula sa Facebook

Ang nais ni kapitan Rodriguez ay pag-isahin na lang ang lahat ng mga community pantries sa kanilang lugar at idaos iyon sa St. Paul the Apostle Church.

Ayon pa sa organizer, upang matiyak na naintindihan niya ang tugon ni kapitan ay isang barangay official ang personal na kumausap sa kanya para sabihing iyon na ang huling araw nila ng pamimigay ng ayuda.

Nangangamba naman ang organizer na kung susundin ang plano ng kapitan na pag-isahin na lang ang lahat ng community pantries ay magiging mahaba ang pila ng mga tao.

Hiniling niya na sana ay bigyan na lang ng schedule ang bawat pantry kung anong araw at oras ito maaaring mag-operate kaysa pag-isahin ang mga ito.

Ipinahayag din ng organizer na may ginawa silang mga hakbang upang matiyak na ligtas ang mga pumipila at ang mga volunteers ng community pantry tulad ng pagkuha ng temperature at oxygen level ng mga nakapila, paglalagay ng marker para sa social distancing, paggamit ng 70% alcohol, pagsusuot ng face mask at face shield, at paglilista ng impormasyon ng mga nakapila para sa contact tracing.

Imahe mula sa Facebook

Nililinis din nila ang lugar at nag-i-spray ng disinfectant sa kalsada pagkatapos ng operasyon.

Imahe mula sa Facebook

Loading…