Opisyal sa viral lugaw incident humingi na ng paumanhin

Imahe mula sa Facebook | Barangay Muzon
  • Nagsalita na ang barangay official sa viral ‘lugaw incident’
  • Pag-amin niya, maaaring dala ng pagod kaya nagkamali siya ng paliwanag
  • Pangako naman ni barangay chairman Marciano Gatchalian, magsisilbing aral ito sa kanila

Humingi ng paumanhin ang mga opisyal ng Barangay Muzon sa San Jose del Monte, Bulacan matapos mag-viral ang paninita ng kanilang kawani sa isang delivery rider na diumano ay lumalabag sa curfew. Giit pa nila, hindi maituturing na essential ang lugaw.

Imahe mula sa Facebook | Barangay Muzon

Sa video na ibinahagi ng Barangay Muzon sa Facebook ay pinangunahan ni Chairman Marciano Gatchalian ang paghingi ng tawad sa rider na si Marvin Ignacio at sa may-ari ng Lugaw Pilipinas.

“Hindi ko kinukunsinti ang anumang pagkukulang at pagkakamaling nagawa ng bawat empleyado sa mga tao at mga mamamamayan, lalong-lalo na sa barangay ng Muzon,” giit ni Gatchalian.

Dagdag rin niya, palagi niyang pinaaalalahanan ang mga kawani na maging magalang sa pakikipag-usap at laging pairalin ang maximum tolerance.

Samantala, humarap din sa unang pagkakataon si Phez Raymundo, ang babae na nakausap ni Marvin sa viral video. Pag-amin niya, nagkamali siya sa pagpili ng mga salitang binitawan.

“Sa’yo, Marvin, kung na-offend ka sa aking nabanggit, ako ay humihingi ng paumanhin. Kasama na rin doon ‘yong may-ari ng establishment and doon sa mga Grab driver,”  sabi ni Raymundo.

Imahe mula sa Facebook | Marvin Ignacio

Paliwanag niya pa, maaaring dala ng pagod ang kaniyang pagkakamali. “‘Yon po ay hindi intentional dahil late na po ng madaling-araw ‘yon. Napagod din po siguro ako. Nagkamali ako sa pagpili ng salita na hindi akma doon sa aking pinapaliwanag kay Marvin,” sabi niya pa.

Maaalalang naging viral ang video na kinuhanan ng rider na si Marvin habang ipinapaliwanag sa kaniya ni Raymundo na dapat ay wala siya sa labas ng kanilang tahanan dahil oras na ng curfew.

Giit naman ni Marvin, naroon siya upang mag-deliver ng lugaw. Sagot ni Raymundo, hindi maituturing na essential ang lugaw.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Department of Interior and Local Government spokesperson Jonathan Malaya na ginagawa nila ang lahat upang ipaalam sa Philippine National Police at mga force multiplier ang ECQ protocols.

“Food delivery should be allowed entry because these are essential items,” sabi rin ni Malaya.

Nangako naman si Gatchalian na hindi na mauulit ang pangyayaring ito. “Hindi na po ito mauulit at ito po ay isang malaking karanasan upang maituwid po ‘yung mga naging pagkukulang ng aking kawani,” ani Gatchalian.

Loading…