P1.2-B halaga ng giant clam shells o ‘taklobo’ nasamsam ng PCG sa Palawan

Imahe mula sa PCG Facebook
  • Nasamsam ng Coast Guard sa Palawan ang nasa 200 tonelada ng fossilized giant clam shell o ‘taklobo’
  • Tinatayang nagkakahalaga ito ng halos P1.2-B, na siyang pinakamalaking nasamsam sa Palawan nitong mga nagdaang taon
  • Karaniwang ibinibiyahe ito patungong Japan o China para gamitin sa mga carvings

Sa bilangguan ang bagsak ng apat na katao sa Roxas, Palawan matapos silang masakote ng mga awtoridad dahil sa pag-iipon ng ‘taklobo’ o giant clam shell na tinatayang nagkakahalaga ng halos P1.2-B.

Ang grupo ay nahuli ng pinagsanib na puwersa ng Coast Guard Intelligence Group Palawan, Coast Guard District Palawan, PCSD, PNP – Maritime Group Palawan, AFP Intelligence Operatives, at Bantay Dagat Roxas nitong nakaraang Biyernes.

Imahe mula sa PCG Facebook

“The Philippine Coast Guard (PCG) participated in a joint law enforcement operations for the seizure of 200 tons of fossilized giant clam shells locally known as ‘TAKLOBO’ amounting to ?1.2 BILLION and arrest of four suspects at Sitio Green Island, Barangay Tumarbong, Roxas, Palawan yesterday, 16 April 2021,” ayon sa pahayag ng PCG.

Ito na umano ang pinakamalaking insidente ng ‘giant clam shell haul’ na naiulat sa lalawigan ng Palawan sa mga nagdaang taon.

Imahe mula sa PCG Facebook

“So far the biggest na nahuli namin. Paunti-unti nilang iniipon. Hinuhukay nila doon sa parang may bundok doon sa isla. Hinuhukay nila. ‘Yun iba doon naman mismo sa dagat,” ayon kay PCG District Palawan Commander Commodore Genito Basilio sa panayam ng GMA News.

Kinilala naman ang apat na lalaking nahuli na sina Rey Cuyos, 54; Rodolfo Rabesa, 48; Julius Molejoa, 47; at Erwin Miagao, 40. Sila ay sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Imahe mula sa PCG Facebook

Ayon pa sa PCG, may mga barkong galing Japan o China na siyang naghahakot ng ‘taklobo’ para ibenta ito na ginagamit naman ng mga kliyente para sa carvings o paggawa ng beads.

Loading…