Paalala sa publiko: “Hindi basta-basta kinakain o inuulam ang puffer fish”

  • Hindi basta-basta kinakain ang puffer fish 
  • Mas kilala ito sa Pilipinas bilang ‘butete’
  • Sa bansang Japan, isa itong delicacy ngunit niluluto ng mga professional chef lamang

Tandaan natin, bagama’t masarap at masustansya ang pagkain ng mga isda o iba pang mga sea food, hindi lahat ay maaaring basta na lamang kainin dahil maaari pala itong maging sagwil sa buhay ng isang tao; sa halip na makawala ng gutom at maigpawan ang maghapon —  tulad na lamang ng ‘puffer fish’  na kilala sa tawag na ‘butete.’

Mainam na batid natin ang nangyari sa isang 39 na taong gulang na magsasaka sa bayan ng Hinunangan, Katimugang Leyte, na matapos lutuin at kainin ang nahuling puffer fish nitong Miyerkules Santo, Marso 31, 2021, ay nagtapos ang buhay dahil sa mga toxins na taglay nito.

Public Domain Image

Ayon sa lumabas na ulat ng awtoridad, umuwi ng bahay bandang alas-7 ng gabi noong Martes Santo ang lalaki na may dalang isang kilong puffer fish, na agad naman niyang niluto at kinain. Pagkatapos, muli siyang bumangon ng alas-4 ng madaling araw at muling kumain. Dito na umano nagkaroon ng problema ang kaawa-awang magsasaka.

Hindi na naitakbo pa sa pagamutan ang magsasaka. Sa pagsusuri sa kaniyang mga labi, lumalabas na nalas0n ang magsasaka at wala namang nakitang foul play.

Samantala, ilang beses nang nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag basta-basta kakainin o lulutuin ang puffer fish dahil nakasasama ito. Nagtataglay umano ito ng mga toxins na tetrodotoxin at saxitoxin, na 1,200 ulit na mas mabagsik kaysa sa cyanide, at direktang sinisira ang central nervous system ng tao.

“The toxins that are typically found in the liver, gonads, intestines, and skin of puffer fish are not eliminated by cooking or freezing,” saad pa sa advisory ng DOH.

“In fact, freezing and thawing of the fish prior to removal of the organs containing the toxins may result in the toxin’s migration to the flesh of the fish,” dagdag pa.

Public Domain Image

Sa bansang Japan, ang puffer fish o tinatawag nilang ‘fugu’ ay maituturing na isang delicacy, subalit ang mga naghahanda nito ay pawang mga professional chefs na dumaan sa special training at certification. Sa Pilipinas, walang ganoong klase ng pasilidad, pagsasanay, o programa.

Kaya tatandaan, hindi basta-basta kinakain ang puffer fish!

Loading…