Pacquiao may mensahe kay Marquez na nais ring pasukin ang politika

Imahe mula sa SecondsOut.com
  • May mensahe si Pacman kay Marquez na isa sa pinakamahigpit niyang karibal sa boxing
  • Nais rin kasing pasukin ng Mexicano ang mundo ng pulitika sa kanilang bansa
  • Ani Pacman, ang politika ay serbisyo-publiko at hind negosyo

Suportado ni Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao ang planong pasukin na rin ang politika sa Mexico ni Juan Manuel Marquez; isa sa pinakamahigpit na karibal sa boksing ng Pambansang Kamao.

Sa kaniyang Twitter, pinaalalahanan din si Marquez ni Pacquiao, na nagsilbi munang kongresista bago naging senador, na ang pulitika ay hindi negosyo kung hindi isang serbisyo-publiko.

Imahe mula sa Wikipedia

“I am humbled that you have taken notice of my work in the Philippines. Let us be partners in our fight  against corruption,” ani Pacquaio sa kaniyang tweet na naka-tag sa Mexican champion.

“Remember always – politics is not a business, it is public service. Wish you the best, my friend,” dagdag pa ng nag-iisang eight division boxing titlist sa mundo.

Sa panayam kay Marquez noong nakaraang araw, ibinahagi nito na nais niyang sumunod sa yapak ni Pacman na pasukin na rin ang mundo ng politika sa kanilang bansa.

Screenshot mula sa Twitter

“If he can do it in the Philippines, why can’t I do it here in the country,” ani Marquez; isang 4-division champion at nagmula sa bayan ng Iztacalco sa Mexico.

Binanggit rin ni Marquez ang napapabalitang plano ng Pambansang Kamao na tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa susunod na eleksiyon.

Aniya, ang nagawa ng kaniyang dating katunggali sa ring ay isang magandang halimbawa na kaya niya ring gawin ito sa kaniyang sariling bansa sapagkat nais niya ring magsilbi sa mga tao.

Imahe mula sa BoxRec

“I would like to work for the common good of the citizens, in this case where it corresponds me to do so. And I did it in the ring against a fighter who is going to run for president of the Philippines, who was a representative, who is a senator, and who may be President of the Philippines because he has done well. And that serves as an example to be able to do it here,” dagdag pa ni Marquez.

Sina Marquez at Pacquiao ay apat na beses nagharap sa ring at ang kanilang naging laban ang isa sa pinakaaabangan noon ng mga Pinoy dahil sa matinding bakbakan ng mahigpit na magkaribal.

Nagresulta sa kontrobersiyal na draw ang kanilang naging laban noong 2004 kahit pa tatlong beses pinadapa ni Pacquiao sa lona ang Mexicano.

Parehong tinalo ni Pacman si Marquez sa kanilang sumunod na paghaharap noong 2008 at 2011. Subalit bumawi ang Mexicano sa kanilang huling laban noong 2012 kung saan pinatulog niya ang Pinoy legend ilang segundo na lang bago matapos ang sixth round.

Loading…