Pag-imbita ni Angel Locsin sa milyun-milyong followers malaking kamalian, ayon sa barangay chairman

Imahe mula sa News5/Angel Locsin
  • Isa umanong malaking kamalian ang ginawa ni Angel Locsin na imbitahin sa inilunsad na community pantry ang milyun-milyong fans
  • Nanlamig umano ang kapitan ng Barangay Holy Spirit nang mabasa niya ang post ni Angel Locsin na nagsasabing “anyone is welcome” sa kanyang community pantry
  • Ayon sa barangay chairman, libo-libo na ang mga taong pumila sa community pantry nang sabihin ng kampo ng aktres sa mga tao na hanggang 300 lang ang kayang bigyan

Isang malaking kamalian umano ang ginawa ng aktres na si Angel Locsin na imbitahin ang milyun-milyon niyang fans na magtungo sa community pantry na kanyang inilunsad kasabay ng kanyang kaarawan, ayon sa kapitan ng Barangay Holy Spirit sa Quezon City.

Imahe mula sa PTV

Sabi ni kapitan Felicito Valmocina, nanlamig siya sa social media post ng aktres na inimbitahan nito ang lahat ng fans.

“Ang followers niya sa Facebook pina-trace ko sa aking mga IT, 21 million sa Facebook. Sa kaniyang Instagram 8.6 million at sa kaniyang Twitter 12.6 million. Kaya pala ‘kako ang lahat ng mga tao na taga iba-ibang lugar ay pumunta dahil dito sa post na ito,” sabi ni kapitan Valmocina.

Mababasa sa post ng aktres na welcome ang sinuman na magtungo sa kanyang community pantry.

“Anyone is welcome. But please make sure to follow protocols,” saad sa bahagi ng imbitasyon ni Angel Locsin sa kanyang mga fans.

Sinabi ni kapitan Valmocina na dalawang araw bago ilunsad ang community pantry ay nakipag-ugnayan sa barangay ang kampo ng aktres at humiling ng dalawang barangay tanod.

Screenshot ng Instagram post ni Angel Locsin

Inisip umano ni kapitan na maliit lang na community pantry ang ilulunsad batay sa request na dalawang tanod, pero may agam-agam siya dahil na rin sa popularidad ni Angel Locsin kaya maaga pa lang ay nagmo-monitor na ang barangay.

“Naka-monitor ako alas-singko pa lang ng umaga, isandaan na. Pagkatapos, alas sais, alas syete, alas otso, nasa 2,500 na ang tao. Umabot na ng COA (Commission on Audit), doon sa may Commonwealth Avenue Market. Umabot ng almost two kilometers na ang pila,” kuwento ni kapitan Valmocina.

Imahe mula sa PNA

Nagpasya raw siya na magpadala ng 70 barangay tanod para ma-kontrol ang mga tao.

“Nang tanungin ng mga tao ko, may taga-Rizal, taga-San Jose Del Monte sa Bulacan, taga-Navotas, Malabon, Tondo, Cavite pa, isipin ninyo. ‘Pag tinatanong ng mga tao ko bakit kayo nandito, bakit nakarating kayo, ang sabi nila ‘nabasa namin sa post ni idol na inaanyayahan kami dito’,” ayon pa sa barangay chairman.

Tanghali na raw nang sabihin ng kampo ng aktres sa mga tao na ang inihanda nila ay sapat lang para sa 300 tao.

“Nung alas-dose na, talagang galit na galit na ang tao, tinanong ulit sila ilan ho ba talaga. Galit na ang tao, nagmumura na. Dikit-dikit na at tsaka nila sinabi na 300 lang daw ang kaya nila. Eh, alam naman nilang napakaaga pa libo-libo na ang tao. Wala ba silang common sense man lang?” sabi ni kapitan.

Screenshot mula sa video ni Angel Locsin via Instagram

Aniya, kumonsulta na siya sa abogado kung ano ang mga susunod na hakbang na nararapat nilang gawin. Magdedemanda umano ang barangay laban sa aktres kung kinakailangan.

“Titingnan namin kung ano ‘yung mga nalabag niya, ano ‘yung mga dapat namin gawin, kung kinakailangang magdemanda, eh, ‘di magdedemanda.”

Matatandaang isang senior citizen na nagtungo sa naturang community pantry ang nawalan ng malay habang nakapila at idinekla itong DOA nang dalhin sa pagamutan.

Imahe mula sa PNA
Source :

PNA, PEP

Loading…