Pagtatayo ng monumento para sa mga ‘bayaning frontliners’, isinusulong sa Kamara

Imahe mula sa Fcaebook
  • Nais ng isang kongresista na magtayo ng monumento para sa mga Pinoy medical frontliners
  • Tatawagin itong ‘Bantayog ng mga Bayaning Frontliners’, ayon sa panukala
  • Layunin din ng panukala na bigyan ng scholarship ang mga anak ng frontliners

Naghain ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng isang panukalang magbibigay-parangal sa lahat ng mga Pinoy na frontliners na nagsasakripisyo, at ang iba’y nagbuwis pa ng kanilang buhay, ngayong pandemya.

Sa panukalang House Bill 9159 na inihain ni Manila 1st Dist. Rep. Manuel Luis Lopez, inaatasan ang National Commission on Culture and Arts (NCAA) na magtayo ng tatawaging ‘Bantayog ng mga Bayaning Frontliners’ para magsilbing “memorial for the heroism of all frontline heroes.”

Rep. Manuel Luis Lopez| Imahe mula sa Twitter

Ang naturang house bill, na tatawagin ding “Frontliners Recognition Act”, ay nais ding magdeklara ang gobyerno ng “National Day of Mourning or Remembrance” para sa mga frontliners na nag-alay ng kanilang buhay habang nakikipaglaban sa COVID-19.

Ayon kay Lopez, hindi matatawaran ang sakripisyo at paglilingkod ng ating mga frontliners ngayon, medical man o hindi, lalo na at patuloy ang pagtaas ng bilang ng COVID sa NCR at halos punuan na ang mga pagamutan sa rehiyon.

Patuloy umano ang kanilang serbisyo kahit pa alam nilang nalalagay rin sa panganib ang kanilang buhay.

“It is in this time, now more than ever, that we should recognize the courage, hard work, sacrifice, and invaluable contribution of our frontline heroes,” wika ng kongresista.

Frontliners bilang mga bayani sa Philpost stamp| Imahe mula sa Philpost

Bukod sa itatayong bantayog, layon din ng panukala na bigyan ang mga anak ng frontliners ng scholarship at financial assistance para sa kanilang pag-aaral sa anumang state college o university sa bansa.

Kapag naipasa sa Kongreso, bubuo ang gobyerno ng isang committee na siyang magbabalangkas ng guidelines sa pagpili ng mga ‘Bayaning Fronliners’ na ang pangalan ay isusulat sa itatayong bantayog.

Bukod dito, bibigyan din ng ‘Certificate of Heroism” ang kanilang pamilya.

Ang pondong gagamitin para sa implementasyon ng batas ay magmumula sa annual budget ng NCAA, subalit maaari din umanong pondohan ito ng pribadong sektor.

Loading…