Palasyo aminadong hindi sapat ang ayuda, pero wala na talagang maidadagdag

Imahe mula sa ADRC
  • Aminado si Sec. Harry Roque na hindi sapat ang ayudang ibibigay ng gobyerno
  • Subalit wala na raw talagang pondo na mapagkukunan ang pamahalaan
  • Malabo rin daw na ma-extend pa ang ECQ sa NCR Plus pagkatapos ng Abril 11

Aminado ang Malakanyang na talagang hindi sapat ang ibibigay na ayuda ng pamahalaan sa mga residente ng NCR Plus subalit wala na raw talagang mapagkukunan ng pondo.

Ito ay kahit pa nag-anunsiyo ang gobyerno na extended ng isang linggo ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at ilang karatig-probinsiya hanggang Abril 11.

Sa panayam kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa ANC Headstart, sinabi ng opisyal na ang ibibgay na tulong ay para lamang talaga sa dalawang araw na walang trabaho noong Semana Santa.

Imahe mula sa PCOO

“Well, iyong ginawa po kasi natin na ECQ noong Semana Santa, ang traditional na pasok lang naman po talaga is Monday to Tuesday ‘no. So parang dalawang araw lang talaga iyong nawala na kita sa ating mga mamamayan at ang binigay naman po natin is P4,000 per family,” paliwanag ni Roque.

Ang ayuda, ayon sa inilabas na pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay P1,000 kada miyembro ng pamilya at makatatanggap nito ang hanggang sa apat na miyembro, o P4,000 na maximum per household.

Inamin ni Roque na hindi pa rin ito sapat talaga subalit sa kasalukuyan ay iyon lang ang kayang ibigay ng gobyerno.

Imahe mula sa DSWD

“So of course that will never be enough pero ang nature naman po ng ayuda talaga, it’s just to help pass ‘no kumbaga for the period na hindi tayo makakapagtrabaho. Alam ko po na mas kinakailangan nang mas malaking ayuda pero for now po ang maibibigay nga for the one week, the 5 days na mawawalan ng trabaho at saka iyong 2 days na nawala sa Semana Santa is the P4,000,” ayon pa sa kalihim.

Mismong si Budget Secretary Wendel Avisado na raw ang nagsabing wala nang pondo para sa ayuda at ang Kongreso naman ay naka-recess ngayon kaya kailangan pang magpatawag ng special session kung kinakailangan.

Bukod dito, malabo na rin umanong palawigin pa ang ECQ sa NCR Plus pagkatapos ng Abril 11 dahil inaasahan nilang bababa na ang arawang bilang nga COVID pagdating ng Mayo.

Loading…