Palasyo inamin na may kabagalan ang pamamahagi ng ayuda; humingi ng paumanhin

Imahe mula sa PNA
  • Aminado ang Palasyo na may kabagalan ang pamamahagi ng ayuda
  • Dahil dito ay humingi ito ng paumanhin sa mga apektado
  • Ipinaliwanag ni Sec. Harry Roque na ipinaiiral ang ibayong pag-iingat sa pamimigay ng cash aid upang maiwasan ang lalo pang pagkakahawahan ng COVID-19

Humingi ng paumanhin ang Palasyo sa mabagal na distribusyon ng financial assistance para sa mga apektado ng ipinatupad na lockdown sa NCR+ areas na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna at Bulacan.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sa isang virtual briefing sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na patuloy naman ang pamamahagi ng ayuda. Aniya, sa kabuuang P23 billion na financial assistance ay nakapagpamahagi na ang pamahalaan ng P4 billion.

“Patuloy po nating ipamamahagi ang ayuda na P23 billion. Sa ngayon po P4 billion pa lang po ang ating napamimigay. Humihingi po tayo ng paumanhin dahil talagang medyo may kabagalan,” saad ni Secretary Roque.

Ipinaliwanag niya na ipinaiiral pa rin ang ibayong pag-iingat sa pamimigay ng cash aid upang maiwasan ang lalo pang pagkakahawahan ng COVID-19.

“Sa panahon po kasi ng pandemya, hindi natin maiiwasan na talagang mag-ingat dahil baka mamaya mabigay nga ‘yung ayuda, eh magkaroon naman ng COVID ‘yung mga taumbayan,” aniya.

Ipinaliwanag rin ni Sec. Roque kung bakit hindi gumamit ang gobyerno ng mga electronic payment system para sa pamamahagi ng ayuda tulad ng ipinanunukala ng ibang mga mamamayan.

Imahe mula sa PCOO

”Ang iniiwasan ‘ata ‘yung service fee kasi ayaw na nating mabawasan ‘yung makukuha ng taumbayan dahil alam natin na hindi naman masyadong malaki. So hangga’t maaari, ayaw nang mabawasan ni Presidente ‘yung makukuhang ayuda ng mga kababayan natin,” paliwanag niya.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng Pangulo na bukod sa financial aid na ipinamamahagi ngayon, may iba pang suporta mula sa ibang ahensya ng gobyerno tulad ng food packs mula sa Department of Social Welfare and Development at ang cash aid mula sa Department of Labor and Employment para sa mga nawalan ng trabaho.

Imahe mula sa DSWD

Loading…