Palasyo itinangging naunsiyami ang pagbili ng 200 ICU beds na nauwi sa ‘sigawan’ sa Cabinet meeting

Screenshot mula sa RTVM video
  • Itinanggi ng Palasyo na naunsyami ang pagbili ng gobyerno ng 200 ICU beds 
  • Nauwi pa raw ito sa sigawan ng mga opisyal sa isang Cabinet meeting kamakailan
  • Subalit itinanggi rin ng Malakanyang na may nangyaring ganung insidente

Itinanggi ng Malakanyang ang napaulat na naunsiyami umano ang pagbili ng nasa 200 ICU beds mula sa isang Austrian company na nauwi pa raw sa ‘sigawan’ sa isang emergency Cabinet meeting kamakailan lamang.

Unang lumabas ang nasabing ulat sa Inquirer kung saan binanggit pa raw ng source na nagkaroon pa ng ‘shouting session’ sa pagitan ng mga opisyal at ‘napagsalitaan’ pa umano si Health Secretary Francisco Duque dahil dito.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

Ikinagalit raw kasi ng maraming medical doctors ang naunsiyaming ‘deliver-now, pay-later’ deal sana para sa 200 ICU beds sa gitna ng shortage ng mga kama sa ospital ngayon.

Subalit sa ginanap na press briefing nitong Martes, itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may nangyari na ganung insidente sa Cabinet meeting.

“Wala pong sigawan na nangyari. Hindi po nangyayari ‘yung ganun,” sagot ni Roque nang tanungin tungkol dito.

Imahe mula sa PCOO

Hindi raw talaga tinanggap ang offer ng Austrian company dahil 200 hospital beds lang ito at 15 na karagdagang ICU beds.

“Wala pong shouting match kasi ang talagang kinakailangan ng Pilipinas ngayon ay ICU beds, at patuloy po ang pag-uusap sa pamumuno po ni Secretary Duque para dito sa additional 200 ICU beds, and the same proponent po na Austrian company is involved,” paliwanag pa ng kalihim.

Imahe mula kay Harry Roque

Sa kasalukuyan, hinihintay na lang muli ng gobyerno na makapag-submit ang naturang Austrian company ng panibagong proposal, ayon kay Roque.

Natukoy na rin daw ng kompanya kung aling ospital ang makatatanggap ng panibagong ICU beds na nakadepende sa kanilang pangangailangan.

Loading…