Pamamahagi ng ayuda extended hanggang Mayo 15

Imahe mula sa DSWD
  • Pinayagan na ng Malakanyang ang pagpapalawig sa deadline ng pamamahagi ng ayuda sa NCR Plus
  • Magugunitang binigyan ng 15 araw lamang ang mga LGUS kung cash ang ipamimigay, at 30 araw naman kapag ‘in kind’
  • May mga LGUs umano na umapela ng extension dahil kapos sila sa oras

Pumayag na ang Palasyo na palawigin pa ang deadline sa pamamahagi ng financial assistance o ayuda hanggang ika-15 ng Mayo.

Ito ay matapos umapela ang mga local government units (LGUs) sa NCR Plus na i-extend ang deadline sapagka’t hindi nila kayang makumpleto ang pamimigay ng ayuda dahil na rin sa pagbabawal sa mass gathering.

Screenshot mula sa Facebook Live ni Sec. Roque

“In-extend ang deadline na makumpleto ang pamamahagi ng financial assistance hanggang a-15 ng Mayo 2021,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang press briefing nitong Martes.

Sinusubukan na rin umano ng ilang LGUs na magbahay-bahay upang maipamahagi ang tulong subalit sadyang kapos daw talaga sa panahon.

Magugunitang binigyan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga LGUs nang 15 araw para tapusin ang pamimigay ng ayuda kung ito ay cash, at hanggang 30 araw kapag ito ay ‘in kind’.

Samantala, umabot na umano sa P-4B mula sa kabuuang P22.9-B ang naipamahagi simula nang ilabas ang pondo noong Abril 5.

Imahe mula sa DSWD

Ang tulong-pinansiyal ay para lamang sa mga lungsod at bayan na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at sa kalapit-lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Ayon sa inilabas na panuntunan ng DILG, ang bawat pamilya sa nasabing mga lugar ay makatatanggap ng P1,000 hanggang P4,000.

Sa kabila nito, maraming residente ang nagrereklamo na isang libong piso lamang ang kanilang nakuha kahit pa mayroong mahigit sa apat ang kasapi ng kanilang pamilya; habang ang iba naman ay talagang walang natanggap dahil hindi nakasama sa listahan.

Loading…