Papresko sina alaga: Mga asong masarap ang pagkakahilata sa isang air conditioned room, nagpaligaya sa netizens

  • Kinatutuwaan online ang larawan ng dalawang aso na sarap na sarap sa pagpapalamig sa isang air conditioned room
  • Ayon sa uploader, talaga raw nauuna pa ang mga aso sa kanyang higaan kapag bukas na ang air con
  • Nagbahagi rin ang ibang dog owners ng kanilang karanasan sa mga alaga nilang nais magpapresko

Kapag sumapit na ang tag-init, kanya-kanya tayong diskarte para mapreskuhan. Nariyan ang pagbababad sa pool, pagkain at pag-inom ng malalamig, at siyempre, para sa mga nakaluluwag-luwag, pagpapa-air con ang solusyon.

Ngunit kapag summer, hindi lamang mga tao ang naiinitan. Maging ang mga alaga nating hayop ay kailangan ding mapreskuhan. Kaya naman kinaaliwan ngayon sa isang Facebook group ang post ni Arnel Morales kung saan makikitang hayahay ang kanyang mga alagang aso sa isang air conditioned na kuwarto.

Larawan mula sa Facebook post ni Arnel Morales

Sa grupong Dog Owner Philippines ay ibinahagi ni Arnel ang larawan ng kanyang dalawang aso. Nakahilata sa sofa ang dalawang aso at preskong-presko dahil may air con ang silid. Sabi tuloy ni Arnel, nahihiya raw siyang abalahin ang kanyang mga “amo.”

Agad na kinaaliwan ang larawan ng mga miyembro ng grupo at sa kasalukuyan ay mayroon na itong higit sa isang libong reaksiyon. Naging tampulan din ng biruan ang mga alaga ni Arnel na tila mga boss. Huwag daw io-off ang air con at baka magreklamo sina bossing.

Lahad ni Arnel, kapag daw binuksan na niya ang air con, agad na raw talagang pumupuwesto ang dalawang aso sa sofa upang magpalamig. Maraming dog owners din ang nagbahagi ng katulad na karanasan sa kanilang mga alaga.

Salaysay ng ilan, minsan nga raw, nauuna pa ang mga aso nila na mahilata sa kanilang higaan. Sila na lang daw ang nag-a-adjust para sa mga ito. Ang iba naman daw, talaga diretso higa kapag nakakain na ang mga ito.

Larawan mula sa Facebook comment ni Diane Mendiola

Gayunman, isang seryosong bagay ang init na nararamdaman ng mga aso dahil tulad ng mga tao, maaari din silang makaranas ng heat str0ke. Kaya ayon sa mga eksperto, malaking bagay din talaga ang mapreskuhan ang mga alaga lalo’t matindi ang sikat ng araw sa mga panahong ito.

Dagdag pa ng mga beterinaryo, laging painumin ng tubig o kahit pangatain ng yelo ang mga aso kung walang air con sa bahay.

Loading…