Parlade nagpaliwanag sa kontrobersiyal na ‘pagkumpara’ kay Ana Patricia Non sa Biblical story

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Nagpaliwanag si Parlade sa kaniyang ginawang kontrobersiyal na pagkumpara kay Non
  • Itinanggi ng heneral ang kaniyang naunang pahayag tungkol sa ‘mansanas’ ni Eba
  • Binuweltahan rin ni Parlade ang mga senador na bumabatikos sa kaniya

Nagpaliwanag ang kontrobersiyal na tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr matapos mabatikos dahil sa kaniyang ginawang pagkumpara kay Patricia Non sa ‘alagad ng kadiliman’.

Si Non ang nasa likod ng Maginhawa community pantry sa Quezon City na siyang naging insipirasyon ng karamihan para maglunsad din ng katulad na inisyatibo sa kanilang lugar.

Imahe mula sa Asia Tatler

Magugunitang inihalintulad ni Parlade ang community pantry na sinimulan ni Non sa pamilyar na kuwento sa Bibliya.

“Isang tao lang ‘yan ‘di ba? Si Ana, si Patricia. Same with Satan. Si Satan binigyan ng apple si Eve. Doon lang nagsimula ‘yon,” ayon sa naunang pahayag ng heneral.

Subalit sa panayam sa isang programa sa telebisyon nitong Huwebes, itinanggi ito ni Parlade at sinisi ang media dahil na-misinterpret umano ang kaniyang mga salita.

AP Non| Imahe mula sa AlterMidya

“I never said that… In fact, I said I appreciate what Ana is doing. And nakita ng taumbayan na maganda yung ginagawa ni Ana,” paliwanag ng opisyal.

“But what we are not telling the people is the organization, these other organizations who are even asking people to sign a blank document. Saan gagamitin yun, we don’t know,” dagdag pa ni Parlade.

Sino ang stupid?

Binuweltahan din ng heneral ang mga senador na nais tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC dahil umano sa ‘walang-habas’ na ginagawang red-tagging ng ahensiya, partikular na sa mga organizers ng mga nagsulputang community pantry.

Imahe mula sa PNA

Ani Parlade, ang mga senador na ito mismo ang nag-apruba sa P16-B pondong nakalaang ngayon sa NTF-ELCAC. Baka raw hindi naiintindihan ng mga senador ang batas na kanilang pinirmahan kaya ‘unfair’ ang mga batikos na natatanggap niya mula sa kanila.

“Sila ang stupid kung ito’y binabawi nila. Pinirmahan nila ‘yang batas na ‘yan para maging serbisyo, ipagpatuloy yung programa ng gobyerno para sa mahihirap. Ngayon, sasabihin nila, ide-defund nila yung NTF-ELCAC?” pakli pa ng tagapagsalita ng NTF-ELCAC.

Loading…