Pasaway: Babaeng nakamotor walang helmet, walang face mask, walang lisensya at naka-sandals lang

Screenshot mula sa video ni Totoy N3gga via Facebook
  • Isang babae sa Sta. Rosa, Laguna ang hinarang ng mga traffic enforcers dahil sa maraming paglabag
  • Walang helmet, walang dalang driver’s license, naka-shorts at naka-sandals lang ang babae
  • Wala ring suot na face mask ang babaeng pasaway na kalaunan ay dinala sa presinto

Isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR+ areas na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan upang mapigilan ang dumaraming bilang ng COVID-19 infections.

Imahe mula sa PNA

Sa katunayan, ang ECQ na dapat ay matatapos sa araw ng Linggo, April 4, ay pinalawig pa hanggang sa ika-11 ng Abril dahil nananatiling mataas ang bilang ng mga nahahawahan ng coronavirus sa NCR+ areas.

Sa ilalim ng ECQ ay may mga restriksyong ipinatutupad gaya ng hindi paglabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan, curfew hours mula 6 p.m. hanggang 5 a.m. at ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols tulad ng social distancing, pagsusuot  ng face mask at face shield kapag nasa labas ng tahanan.

Ang pagsunod ng mga mamamayan sa mga ipinatutupad ng gobyerno upang makontrol ang lalo pang paglaganap ng COVID-19 sa bansa ay lubhang mahalaga, subalit mayroon pa ring tila likas na matigas ang ulo at hantaran ang paglabag sa mga health protocols.

Sa bayan ng Sta. Rosa sa Laguna, isang babaeng nakamotorsiklo ang pinigil ng mga kawani ng City Traffic Management and Enforcement Unit (CTMEU) dahil sa maraming paglabag.

Screenshot mula sa video ni Totoy N3gga via Facebook

Makikita sa video na kuha ng isang CTMEU personnel na walang suot na protective motorcycle helmet ang babae na labag sa Motorcycle Helmet Act of 2009. Wala rin itong maipakitang driver’s license. Katwiran ng babae ay naiwan daw iyon sa bahay nila.

Nilabag din niya ang Land Transportation Office Administrative Order hinggil sa pagbabawal sa pagmamaneho ng motorsiklo nang nakatsinelas, sandals o nakayapak.  Ipinagbabawal din ang pagsusuot ng shorts kapag nagmomotorsiklo.

Makikita sa video na nakasuot ng shorts at sandals ang babae.

Screenshot mula sa video ni Totoy N3gga via Facebook

Wala ring suot na face mask ang babae na mandatory ang pagpapatupad upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Sa bandang huli, dumating ang isang rumespondeng police officer at isinakay ang babae sa patrol car upang dalhin sa presinto.

Screenshot mula sa video ni Totoy N3gga via Facebook

Ayon sa mga netizens na nagkomento, kaya umano tumatagal ang pandemya sa bansa ay dahil sa mga taong katulad ng babaeng pasaway.

Source :

Facebook

Loading…