Payo ni Mayor Vico sa Ivermectin: ‘Relax lang sa conspiracy theory, makinig sa mga experts’

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto
  • Pinaalalahanan ni Mayor Vico Sotto ang publiko na maghinay-hinay sa Ivermectin
  • Huwag daw sanang agad maniwala sa mga ‘conspiracy theories’
  • Dapat pa rin umanong makinig sa mga eksperto ang mga tao pagdating sa usaping ito

Sa gitna ng mga usapin tungkol sa Ivermectin bilang gamot kontra COVID-19, may paalala si Pasig City Mayor Vico Sotto sa publiko.

Ayon sa alkalde, maghinay-hinay sana ang mga tao at huwag kaagad maniwala sa mga naririnig tungkol sa Ivermectin dahil ang gamot ay dapat pine-prescribe ng mga doktor at hindi ito basta-basta na lamang iinumin.

Screenshot mula sa Facebook Live ni Mayor Vico Sotto

“Ang payo ko lang, o hinihikayat ko po ‘yung mga mamamayan, ‘wag tayong masyadong ano sa mga conspiracy theory. Relax, relax lang po tayo sa mga conspiracy theory. ‘ Yung mga gamot na tine-take natin, ‘yung mga prine-prescribe ng mga doktor, dumadaan ‘yan sa matinding proseso,” turan ng alkalde sa ginanap na media forum nitong Biyernes.

Magugunitang namahagi ng Ivermectin ang dalawang kongresista sa mga residente ng Quezon City nitong Huwebes. Naging kontrobersiyal ito dahil mariing tinutulan ng FDA ang paggamit ng Ivermectin nang walang compassionate use permit.

Imahe mula sa Facebook

Nabahala rin ang grupo ng mga pharmacist sa bansa sapagkat ang resetang kasama ng ipinamahaging Ivermectin ay walang pangalan ng doktor at license number. Naging bunsod ito para sabihin ng Department of Health (DOH) na kailangang silipin ito ng FDA kung mayroong nilabag na batas.

Samantala, sinabi rin ni Mayor Vico na kailangang makinig ang publiko sa mga medical experts kahit pa may napapabalitang mayroong magandang resulta mula sa paggamit ng naturang anti-parasitic na gamot na karaniwang ginagamit sa mga hayop.

“Just because there’s a little bit of positive news or a little bit of possibility or may nakitang kaunting scientific basis, ‘di yun sapat para sabihin na ‘OK na ‘yan, p’wede na ‘yan.’ Hindi tayo mga doktor, hindi tayo mga medical expert, makinig tayo sa kanila,” dagdag pa ng alkalde ng Pasig.

Imahe mula sa Facebook

Para naman kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, na dumalo rin sa forum, ipinauubaya na nila sa DOH ang isyu ng Ivermectin at nakahanda silang sundin anuman ang maging desisyon ng ahensiya.

Ang Ivermectin na ipinamahagi sa Quezon City ay nagmula kina Anakalusugan Partylist Rep. Defensor at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta. Nagbanta pa ang dalawang mambabatas na dadalhin nila sa korte ang usapin kung sakali mang pigilan sila sa kanilang gagawin.

Loading…