PH envoy sumulat sa White house para humingi ng ‘sobrang’ Astra Zeneca vaccine

Imahe mula sa PNA
  • Nagpadala ng sulat si Amb. Romualdez sa White House para humingi ng bakuna
  • Partikular umano niyang hinihingi ang hindi naaprubahang AstraZeneca vaccine
  • Samantala, dumating na rin sa bansa ang panibagong 500K doses ng biniling Sinovac

Pormal na nagpadala ng liham si Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez sa White House para hingin ang ‘sobrang’ COVID-19 vaccine  mula sa Estados Unidos.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Romualdez na ang hinihingi niya ay ang AstraZeneca vaccine na hindi naaprubahan sa Amerika.

Amb. Romualdez| Imahe mula sa US-PH Society

“Ang hinihingi natin ‘yung hindi nila in-approve na AstraZeneca. Sumulat na ako sa White House at sinagot naman ako at pinag-aaralan daw nila ngayon,” ani Romualdez.

Ayon pa sa ambassador, hindi lamang ang ating bansa ang humihingi ngayon ng mga sobrang bakuna sa US kung hindi maging ang ibang bansa dahil na rin sa kakulangan ng supply sa buong mundo.

Mabuti na lamang daw at nauna nang sumulat ang Pilipinas at malaking tulong din dito ang insiyatibo ng mga Filipino-Americans sa US.

AstraZeneca mula sa COVAX| Screenshot mula sa RTVM video

“The good thing is medyo nauna na tayo from other countries. Malaki ang tulong ng Filipino Americans dito. Sila mismo sumulat sa White House at all of that has been acknowledged naman,” bahagi pa ng envoy.

Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Romualdez na parating na sa Hunyo ang mahigit 200,000 doses ng Moderna at susundan ito ng mga 1 milyong dose sa Hulyo hanggang sa makumpleto ang 20 milyon na inorder ng Pilipinas.

500K doses ng Sinovac dumating na

Samantala, dumating na nitong Huwebes sa bansa ang panibagong 500,000 doses ng Sinovac vaccine na binili mula sa China.

Lumapag dakong alas-5 nang hapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplano ng Philippine Airlines lulan ang naturang delivery.

Imahe mula sa Twitter/Vivienne Gulla

Dahil dito, umabot na sa kabuuang 3.525 milyong doses ng COVID vaccine ang dumating sa bansa, at nasa kalahati nito ay naipamahagi at naiturok na sa mga kinauukulan.

Tiniyak naman ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na ang 100,000 doses ng bagong batch ng bakuna ay maipapapamahagi na sa Metro Manila sa loob ng 2 hanggang 3 araw.

“Inaasahan po natin na iyong administration nito is within one week matatapos po kaagad,” ayon kay Galvez.

Loading…