Physical exercise hindi dapat ipinagagawa sa mga curfew violators – PNP

Screenshot mula sa News5 video
  • Ipinagbabawal ng PNP ang physical exercise bilang parusa sa mga curfew violators
  • Ang kapulisan ay awtorisado lang na gumawa ng dokumentasyon ng pagkakakilanlan ng violators, kumuha ng salaysay at magbigay ng warning
  • Kung mayroong dapat magdesisyon kung anong parusa ang nararapat sa mga violators, iyon daw ay ang korte o judge, ayon sa PNP spokesperson

Nagpahayag ang Philippine National Police (PNP) na hindi maaaring gawing parusa sa mga curfew violators ang pagpapagawa ng physical exercises.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Ang pahayag ay ginawa ni PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana habang iniimbestigahan ang pagyao ng 28 anyos na si  Darren Manaog Peñaredondo ng Gen. Trias, Cavite matapos umano itong pagawin ng 300 rounds ng pumping exercise.

Sa isang press briefing, sinabi ni Usana na ang mga kapulisan ay awtorisado lang na magsagawa ng dokyumentasyon, pagkuha ng salaysay mula sa mga violators ng curfew at pagbibigay sa kanila ng warnings.

“We learned na pina-exercise sila but supposedly ‘pag nasa custody ang sino mang violators, itong police na nagsasagawa ng imbestigasyon dapat po kunan lang sila ng statement or rather ng documentation sa pagkakakilanlan tapos ire-release na po sila,” wika ng PNP Spokesperson.

Paliwanag niya, kung mayroong dapat magdesisyon kung anong parusa ang nararapat, iyon daw ay ang korte o judge.

Brig. Gen. Ildebrandi Usana/Screenshot mula sa ANC video

“However, pinag-exercise nga po ng pulis ang 8 na ito at bawal po ito. In fact kahit nga po sabihin natin na merong panuntunan,  ang magbibigay ng desisyon na magbibigay ng parusa ay ‘yung korte o ‘yung judge. In this case hindi dapat mangyari,” paliwanag ni Brig. Gen. Usana.

Una nang itinanggi ng hepe ng pulisya ng Gen. Trias na si Lieutenant Colonel Marlo Nillo Solero na pinag-ehersisyo ang mga curfew violators, subalit lumitaw sa imbestigasyon na ginawa nga iyon.

Inalis na sa puwesto si Lt. Col Solero at dalawa pa niyang tauhan habang patuloy ang imbestigasyon.

Source :

ABS-CBN, GMA

Loading…