Pila sa community pantry dapat sumunod sa curfew; ipasasara kapag may nalabag na protocols

Screenshot mula sa GMA news video
  • Nagpaalala ang Malakanyang na dapat sumunod sa curfew ang mga pumipila sa community pantry
  • Hindi raw dahilan ang community pantry para maging exempted sila sa curfew
  • Nagbabala rin ang DILG na posibleng ipasara ang mga community pantry kapag lumabag sila sa protocols

Nagpaalala ang Malakanyang na hindi exempted sa ipinatutupad na curfew ang mga pumipila para makakuha ng pagkain sa mga community pantry.

Ito ang ginawang paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos tanungin kung kailangan ba talagang tiketan ang mga taong nakapila sa community pantry kahit oras pa ng curfew.

Imahe mula sa Facebook account ni Sec. Harry Roque

“Hindi po puwedeng maging dahilan ang pagpila sa pantry para magkaroon ng exemptions sa curfew,” giit ni Roque.

Kahit na ikinatutuwa raw ng Palasyo ang bayanihang nangyayari ngayon, dapat ay makipag-ugnayan ang mga nasa likod ng community pantry sa LGUs o barangay upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

“We welcome bayanihan po para maibsan ang kagutuman sa gitna ng pandemya, pero ayaw rin natin maging dahilan ang community pantry para kumalat ang COVID-19,” ayon pa sa kalihim.

Imahe mula sa News5/Angel Locsin

Ang curfew na ipinatutupad sa mga lugar na nasa ilalim ng modified ECQ sa Metro Manila at karatig probinsiya ay mula alas-8 nang gabi hanggang alas-5 nang umaga.

Samantala, nagbabala rin ang Department of Interior and Local Government (DILG) na posibleng ipasara ang mga community pantry na mapatunayang lumalabag sa health protocols.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na  dapat ay may masusing koordinasyon ang mga organizer sa LGUs upang maipatupad ang minimum health standards.

“Kung hindi maiimplement o may mava-violate dyan, ito ay ground para ipa-stop natin ‘yung community pantry,” babala ng kalihim.

Imahe mula sa PCOO

Nakatakda na rin umanong maglabas ang DILG ng memorandum at advisory para sa mga LGUs tungkol sa community pantry.

Dagdag ni Año, malaki ang magiging papel dapat ng LGUs dahil sila ang magbibigay ng puwesto kung saan puwedeng itayo ang community pantry.

Bukod dito, magiging handa na rin ang mga lokal na pamahalaan na magbigay ng seguridad sa lugar sakali mang dagsain ito ng mga tao.

Loading…