Pila sa pagbibigay ng ayuda sa ilang lugar sa Metro Manila inabot ng madaling araw

Screenshot mula sa GMA video
  • Pamamahagi ng financial assistance sa mga residente ng NCR+ areas na nasa ilalim ng ECQ sinimulan na
  • Sa kabila ng pagpaplano ay naging pahirapan pa rin  ang pamamahagi ng ayuda
  • Ilang lugar sa Quezon City ang inabot ng madaling araw ang pila sa pagkuha ng ayuda
  • May lugar pa na pinabalik na lang kinabukasan ang ibang residente matapos pumila nang mahabang oras

Sinimulan na ang pamamahagi ng financial assistance sa mga residente sa ilang lugar sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan na tinatawag na NCR+ areas na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa surge ng COVID-19 cases.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sa kabila ng mga pagpaplano upang maging maayos ang pamamahagi ng ayuda , naging pahirapan pa rin para sa maraming residente ang pagkuha ng ayuda na P1,000 kada indibidwal o hanggang P4,000 kada pamilya.

Mahaba ang mga pila at hindi na rin nasunod social distancing at ang pagbabawal sa mass gathering.

Isang residente sa Quezon City ang nagsabi na alas-dos pa lang ng hapon ay nakapila na siya, pero gabi  na ay nasa pila pa rin siya para makuha ang cash assistance para sa kanyang pamilya.

“Alas-2 pa kami ng hapon kanina, hanggang ngayon wala kaming hapunan. Tubig sabi nila bibigyan daw kami.  Anong oras na ngayon? Hindi kami pumasok sa trabaho para makuha namin ‘yung pinangako ng Presidente natin,” hinaing ng isang residente.

Batay sa mga ulat, inabot ng buong araw ang pamamahagi ng financial assistance sa maraming lugar sa NCR+. Sa ibang lugar ay inabot pa raw ang pila ng hanggang alas-dos ng madaling araw.

Screenshot mula sa GMA video

Mas masaklap pa ang nangyari sa mga residente sa Quezon City na pumila nang mahabang oras sa Old Balara Elementary School para sabihan lang na bumalik na lang kinabukasan dahil nagpatupad ng cut-off sa pamamahagi ng ayuda.

“‘Yung P3,000, P4,000 inaasahan namin kahit magkano ang iabot sa’min. Pero ano nangyari sa’min? Nganga, gutom, nanghihina. Pipirmahan lang daw ang form namin, pinababalik kami. Sa tingin ba nila may lakas pa kaming bumalik sa ginawa nila sa ‘min?” reklamo ng isang residente.

Humingi naman ng paumanhin si Mayor Joy Belmonte at nangakong gagawan ng solusyon ang mabagal na distribusyon ng ayuda.

Imahe mula sa Twitter
Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…