Pinakamalaking community pantry sa Bulacan binuksan; mistulang tunay na pamilihan

  • Nasa bayan ng Hagonoy ang pinakamalaking community pantry sa buong Bulacan
  • Makikita ito sa Barangay Iba, na inilunsad ng mismong kapitana nito
  • Maihahalintulad ito sa isang pamilihan o palengke

Binuksan na sa publiko, partikular sa mga Bulakenyo, ang itinuturing na ‘pinakamalaki at pinakabonggang’ community pantry sa buong lalawigan ng Bulacan, dahil maihahalintulad na ito sa isang tunay na pamilihan o palengke, gaya ng Divisoria.

Makikita mismo sa Facebook post ng organizer nito na si Barangay Chairman Jhane Dela Cruz ng Barangay Iba, sa bayan ng Hagonoy, Bulacan, ang tungkol sa napakalaking community pantry na ito. Siya raw ang ‘Angel Locsin ng Bulacan.’ Galing daw mismo ito sa sariling bulsa ni Kapitana, para sa kaniyang mga nasasakupan!

Imahe mula sa Facebook account ni Jhane Estrella dela Cruz

“Maraming salamat po sa siksik, liglig at umaapaw na pagpapala na naipamahagi po natin sa ating mga minamahal na Ibanians, unlimited supply and sky is the limit para po sa lahat! Nawa po ay sa simpleng paraan ng ating walang sawang pagtulong ay mas marami pa ang ma-inspire sa ginagawa natin na pagbabahagi para sa mga higit na nangangailangan!” ayon kay Kapitana Jhane.

Sinimulan sa mataimtim na panalangin ang pagbubukas ng community pantry. Sa laki at lawak nito, tinitiyak nila ang pagtupad sa social distancing. Hindi rin kailangang mag-unahan o magkagulo ang mga residente dahil ayon nga kay Kapitana, ‘sky is the limit’ ang suplay.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Salamat po, Kapitana! Maraming salamat po sa mga mabubuting pusong nag-donate para sa ating mga kababayan. Nakagugulat ang pagtutulungan diyan. Maraming salamat din sa mga organizers at volunteers,” saad ng isa.

Wika naman ng isa, “Mapapa-wow ka talaga, sana mga ganitong kapitan/kapitana sana ang ginagaya ng mga magkakaroon ng community pantry, hindi lang ibulsa ang pera, ipalabas din minsan sa oras ng kahirapan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Jhane Estrella dela Cruz

“Good job po! Huwag lang po sanang haluan ng pamumulitika, okay po iyan,” sabi naman ng isa.

Ang ‘Ibanians Community Pantry’ ay may tagline na ‘Mula sa Masa, Tungo sa Masa.’ Kagaya ng ilang mga community pantry, may partikular na oras din ang pagbubukas nito.

Loading…