Pinamimigay na supot ng asin na may ‘nakakubling surpresa’ nagdulot ng saya

  • Huwag ismolin ang isang supot ng asin sa community pantry
  • Baka may laman pala itong pera sa loob
  • Nangyari iyan sa isang community pantry sa Naga

Kakaiba ang dulot na saya sa surpresang hatid ng ipinamimigay na mga goods sa isang community pantry sa Dinaga, Cuatro Esquinas, Naga.

Ayon sa Facebook post ng isa sa mga organizers nito na si Melody Miranda Conag, tatlo silang magkakaibigan na nag-setup ng pantry sa kanilang lugar. Sa ikalawang araw ng kanilang pantry, natuklasan nila na ang donasyong mga supot ng asin ng isa sa mga kaibigan ng organizer na si Nica Stephanie Banaag, ay naglalaman ng mga perang nasilid sa hiwalay na plastik, at nakasiksik sa loob ng asin.

Imahe mula sa Facebook page ni Melody Miranda Conag

“Kahapon ‘yung friend ni Nica Stephanie Banaag nag-donate ng pre-packed na asin sa community pantry. Sabi namin medyo malaki pagka-repack. Not knowing na pinaipitan niya pala ng cash donation sa loob ng asin para sa mga makakakuha,” saad sa caption ng post.

Dagdag pa niya, “Naubos po ‘yan kahapon, ngayon lang namin nalaman na may pa-surprise pala ‘yan. May you be blessed more for your kindness and generosity. Siguradong marami kang napasaya! #humanityatitsbest.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Matalino ang nakaisip nito. Nabasa ko na ito sa isang story, parang kung sino ‘yung kukuha ng asin, sila yung walang-wala talaga kasi kahit asin ma-appreciate niya, puwede ihalo sa kanin para maging lugaw. Ganito puwedeng gawin kung gusto talagang mabigyan ‘yung mga totoong deserving at nangangailangan,” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Ok na ok ‘yan kung malinis talaga ang intensyon,  basta walang papel na may pangalan sa loob.”

“Parang gaya rin yan doon sa napanood kong mayamang lalaki sa ibang bansa, nag-donate naman siya ng harina tapos walang may pumansin, tapos may isang tao na gutom na gutom at desperado na kumuha ng harina pagbukas niya nakita niya maraming pera pala sa loob,” sabi naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ni Melody Miranda Conag

Wika naman ng isa, “Oh hindi ba silent movement pero lakas ng datingan. Astig!”

Kaya tatandaan, huwag iismolin ang mga bagay na akala natin ay mababa o walang halaga: baka may natatago itong malaking surpresa!

Source :

Facebook, News 5

Loading…