Pinay scientist ginawaran ng Knighthood ng The Netherlands

Dr. Sayoc| Imahe mula sa Facebook
  • Isang Pinay scientist ang ginawaran ng Knighthood ng The Netherlands
  • Kinilala ang Filipina na si Dr. Mary Ann Pelagio Sayoc
  • Ang ‘The Order of Orange-Nassau’ ay karaniwang iginagawad sa mga indibidwal na may malaking naiambag sa lipunan

Ginawaran ng parangal ng The Netherlands ang isang Filipina scientist dahil sa kaniyang kontribusyon at dedikasyon para lalong mapalawak ang relasyon ng dalawang bansa.

Ang ‘Knighthood in the Order of Orange-Nassau’ ay iginawad ni Ambassador Saskia de Lang kay Dr. Mary Ann Pelagio Sayoc kamakailan.

Imahe mula sa Facebook

“I am very proud  to announce that it has pleased His Majesty King Willem-Alexander to award a Knighthood on a leading personality of the Dutch-Filipino community. It is a recognition of exceptional merit to The Netherlands,” ani Amb. De Lang sa isang pahayag.

Kinilala ng The Netherlands ang naging ambag ni Dr. Sayoc sa agrikultura ng Pilipinas na naging dahilan umano para mapataas ang produksiyon ng mga local farmers.

Ang dalawang bansa ay patuloy na nagtutulungan at may matibay na ugnayan sa agri-food sector lalo na sa larangan ng trade, investments, agricultural technology at knowledge transfer.

Imahe mula sa Facebook

Si Dr. Sayoc ay kasalukuyang pinangungunahan ang public affairs East-West Seed Group (EWS), isang kumpanyang Pinoy na itinatag nina Dutch seedsman Simon Groot at Filipino seed trader Benito Domingo noong 1982. Ang EWS ang isa sa market leader pagdating sa vegetable seeds sa Pilipinas at ngayon ay may mga branches na rin sa Asia at Africa.

Bilang chairperson ng Philippine Seed Industry Association (PSAI), malaki ang naging ambag ni Dr. Sayoc para maitatag ang National Seed Technology Park (NSTP).

Maliban dito, siya rin ang pangulo ng  Philippine-Dutch Fellows Network, Inc., (PDFNI) at nakaupong board member ng Dutch Chamber of Commerce in the Philippines Inc. (DCCP) simula pa noong 2014.

Imahe mula sa Facebook

Bago pa man ang kaniyang paglipat sa seed industry, si Dr. Sayoc ay aktibo sa International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH); isang institusyon na binuo ang gobyerno ng The Netherlands sa pamamagitan ng Barneveld College at ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI).

Ang ‘The Order of Orange-Nassau’ ay karaniwang iginagawad sa mga indibidwal na may malaking naiambag sa lipunan.

Loading…