Presidential Adviser umaasang bubuti na ang sitwasyon ng bansa simula sa Hunyo

Community Pantry| Imahe mula sa Vatican News
  • Umaasa si Pres’l Adviser Joey Concepcion na bubuti na ang kalagayan ng bansa simula sa Hunyo
  • Parating na kasi ang mga inorder na COVID-19 vaccine, ayon sa negosyante
  • Nahihirapan na raw talaga ang mga Pilipino at patunay dito ang nagsulputang community pantry

Umaasa si Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na bubuti ang kalagayan ng Pilipinas sa pagsisimula ng second quarter nitong taon.

Ito ay dahil na rin umano sa pagdating ng mas marami pang COVID vaccine kabilang na ang 1.5 milyong doses ng AstraZeneca na inaasahan ang delivery sa Hunyo.

Imahe mula sa PCOO

“Ang maganda dito – by June, things will be better because we will start vaccinating a lot of people,” ani Concepcion sa panayam ng Teleradyo nitong Martes, Abril 27.

Bukod dito, parating na rin ang 17 milyong doses ng AstraZeneca vaccine bago matapos ang 2021 hanggang Pebrero ng susunod na tao.

Ang Novavax vaccine naman ay inaasahang maide-deliver na rin sa darating na Agosto hanggang Setyembre, habang 100,000 doses naman ng Moderna ang posibleng dumating sa Hunyo na rin.

Imahe mula sa NTF COVID-19

Pumayag na rin umano si vaccine czar Sec. Carlito Galvez na i-prioritize na ang pribadong sektor sa mag susunod na vaccine rollout ng gobyerno.

Ayon kay Concepcion, sa 17 milyong doses ng AstraZeneca na parating sa bansa, 11 milyon dito ay mapupunta sa local government, 3 milyon sa national government at ang natitirang 3 milyon ay ilalaan sa private sector.

Dahil dito, inaasahang nasa 1.5 milyong empleyado ng pribadong sektor ang matuturukan na ng bakuna.

Imahe mula sa Facebook account ni AP Non

Naniniwala rin ang negosyante na magiging mahirap para sa gobyerno ang gagawing desisyon kung papalawigin pa ang modified ECQ sa NCR Plus o ibaba na ito sa mas maluwag na quarantine status.

Talaga raw nahihirapan na ang mamamayang Pilipino ngayon at patunay rito ang nagsulputang community pantry sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na dinudumog ngayon ng mga taong nangangailangan ng makakain.

Loading…