Presyo ng karneng baboy nagbabadyang tumaas sa P450-P500 per kilo

Imahe mula sa UNTV
  • Napipintong pumalo sa P450-P500 per kilo ang presyo ng karneng baboy sa mga palengke sa Metro Manila
  • Ito ay dahil sa Visayas pa manggagaling ang mga baboy na dadalhin sa Metro Manila
  • Nagdadalawang-isip ang mga vendor na magbenta ng imported na karne dahil ang gusto raw ng mga customer ay sariwa

Ang presyo ng karneng baboy sa mga palengke sa Metro Manila ay hindi na bumaba mula nang mag-expire noong April 8 ang ipinatupad  na price cap. May mga usap-usapang kumakalat sa mga palengke na ang presyo nito ay napipintong tumaas sa mga susunod na linggo.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Posible raw na umabot ito sa P500 kada kilo.

“May nagsabi sa amin na supplier, kasi ‘yong baboy namin nanggagaling sa Visayas, tawid-dagat siya. Mayroon daw possibility na umabot ng P500 ‘yong price ng per kilo,” ayon sa isang meat vendor.

Sinabi naman ng Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork) na ang presyo ay maaaring aabot lang hanggang P450 per kilo.

“By June, babaha ng imported na karne ng baboy at ‘yan na ang umpisa ng aming pagbagsak o pagkalugi,” pahayag ni ProPork Vice President Nicanor Briones.

Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng presyo ng sariwang karne ng baboy, nagdadalawang-isip pa rin ang mga vendor na magbenta ng imported na karne na ang suggested retail price ay P270 per kilo para sa kasim at pigue at P370 naman per kilo sa liempo.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Mahirap din magbenta ngayon kung wala ka masyadong customer. Ayaw naman din ng mga customer ng imported gusto talaga nila sariwa,” katwiran ng isang meat vendor.

Hindi lang pork producers ang apektado ng mataas na presyo ng karne ng baboy.

Ipinahayag ng Philippine Maize Federation ang kanilang pangamba na malaki ang magiging kalugian ng mga magtatanim ng mais kapag maraming pork producers ang pansamantalang tumigil sa pag-aalaga ng baboy kapag bumaha ng murang imported pork products sa bansa.

Imahe mula sa Philmaize

“More or less 500,000 farmers na dependent on corn talagang matatamaan,” wika ni PhilMaize President Roger Navarro.

Kasama ng ProPok at iba pang agricultural groups, nanawagan ang PhilMaize  kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang executive order na nag-aatas na babaan ang tariff (buwis na ipinapataw sa mga imported goods) sa imported pork.

 

Loading…