Purple Jade Vine na isa sa most unique flora ng bansa, sumibol noong Earth Day 2021; simbolo ng pag-asa

  • Ipinagmalaki ng Masungi Georeserve ang pagsibol ng isang kakaibang uri ng bulaklak sa lugar
  • Isa raw ito sa mga unique flora at endemic species sa Pilipinas na sumibol noong mismong Earth Day 2021
  • Simbolo raw ito na malaki ang pag-asa na mapanatili nila ang kagandahan ng lugar dahil tumutubo ang mga bihirang uri ng halaman

Sa mga panahong tila sinusubok tayo ng mundo dahil sa kabi-kabilang problema, lalo na ang pandemya, marami ang nagtatanong kung may pag-asa pa ba. Marami ang pinanghihinaan ng loob at hindi alam kung saan huhugot ng inspirasyon para magpatuloy.

Kung ang kalikasan ang tatanungin, tila maraming biyaya pa rin ang dumarating na siyang simbolo rin ng pagsibol ng bagong pag-asa. Ito na marahil ang pinakamagandang pakahulugan sa isang pambihirang pagkakataong pagsibol ng isang bulaklak sa mismong Earth Day.

Larawan mula sa Facebook post ng Masungi Georeserve

Ibinahagi ng Masungi Georeserve Facebook page ang isang post tungkol sa pamumukadkad ng Purple Jade Vine na sinasabing isa sa most unique at endemic flora ng Pilipinas. Sa nasabing post, makikita ang larawan ng nasabing bulaklak na mayroong maliliit na tila ngipin na siya palang talulot nito na hindi pa namumukadkad.

“Rare ‘purple jade vine’ blooms on Earth Day!” We are happy to announce the annual blooming of JC’s Vine (Strongylodon juangonzalezii), an endemic species presently documented in only four sites in Philippines!” bungad ng Masungi Georeserve sa kanilang post.

Ang pagsibol daw ng purple jade vine ay isang simbolo ng pag-asa ng conservation ng Masungi limestone forest. Dahil daw tumutubo pa ang mga maseselang halaman tulad ng purple jade vine, magandang indikasyon daw ito na unti-unti nang sumisiglang muli ang nasabing georeserve.

“As one of the most unique flora inside Masungi’s limestone forest, this vine is symbol of hope for the conservation of our threatened landscape,” pagpapatuloy ng post.

Larawan mula sa Facebook post ng Masungi Georeserve

Ang purple jade vine ay natuklasan lamang noong 2015 ng ilang mga siyentipiko. Ayon sa kanilang saliksik, ang bulaklak na ito ay may kulay lilac kung bata pa at unti-unting nagiging kulay asul kalaunan. Kinamamanghaan din ito dahil mayroon itong 27 hanggang 31 na bulaklak sa isang sanga.

Patuloy ang pagsagip sa Masungi Georeserve katuwang ang mga pamahalaan at mga pribadong sektor laban sa banta ng quarrying, poaching, at pagputol ng mga puno.

Loading…