QC nag-alok ng libreng swab test sa mga residenteng pumila sa community pantry ni Angel Locsin

Imahe mula sa News5/Angel Locsin
  • Inimbitahan sa libreng swab test ang mga QC residents na pumila sa community pantry ni Angel Locsin
  • Kailangang magpasuri ang mga residente kung sakaling nagkaroon ng COVID-19 symptoms tulad ng ubo at trangkaso matapos pumila sa community pantry, ayon sa CESU
  • Nanawagan si QC Mayor Joy Belmonte kay Angel Locsin na makiisa sa hakbang ng city government na matugunan ang posibleng pagkalat ng COVId-19 dahil sa pagdagsa ng mga tao sa community pantry

Inimbitahan ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang mga residente ng lungsod na pumila sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin na sumailalim sa libreng swab test.

Imahe mula sa Reprotr

Sabi ni CESU chief Dr. Rolando Cruz, kailangang magpasuri ang mga residente kung sakaling nagkaroon ng COVID-19 symptoms tulad ng ubo at trangkaso matapos pumila sa community pantry ng aktres sa Barangay Holy Spirit noong Biyernes, ika-23 ng Abril.

“Hindi natin puwedeng isantabi ang posibilidad na nagkahawahan dahil sa dami ng dumalo. Mabuti nang makasiguro na hindi natin mahawahan ang ating pamilya at mga kasama sa komunidad,” wika ni Dr. Cruz.

Ang mga apektadong residente ay maaari umanong magpa-book ng appointment online sa pamamagitan ng https://bit.ly/QCfreetest (maa-access ito mula Lunes hanggang Biyernes).

Maaari ring tumawag sa Quezon City Contact Tracing Hotlines: 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086, 0931-095-7737.

Umapela rin ang CESU sa kampo ni Angel Locsin na makipag-ugnayan sa kanila sakaling mayroon silang nalalaman na mga indibidwal na kailangang masuri agad.

Imahe mula sa PNA

“Our office will remain open for support from Ms. Locsin and her camp, considering the effort and cost of doing testing and contact tracing of those who participated in the community pantry. We hope to be furnished with any pertinent information that could aid us in immediately identifying, testing and isolating suspected Covid 19 cases,” ani Dr. Cruz.

Maging si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay may panawagan sa aktres.

Screenshot mula sa GMA video

“Nananawagan ako kay Angel na makiisa sa hakbang ng lungsod na matugunan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa mga bagong kaso, lalo na sa hanay ng mga nagpunta sa community pantry na kanyang inorganisa.”

Loading…