Rebultong ginawa para sa isang Katipunero malayo sa tunay na hitsura, mga kaanak nadismaya

Imahe mula kay Atty. Toppie Torres via Facebook
  • Dismayado ang mga kaanak ni Hen. Isidoro Torres sa ipinagawang rebulto para rito
  • Hindi kamukha o kahawig man lang ang mukha ng rebulto sa tunay na anyo ng katipunero
  • Sinabi ng mga kaanak na ginawang kenkoy at katawa-tawa ang mukha ng kanilang lolo

Dismayado ang mga kaanak ng isang Katipunero na itinuturing na local hero sa Bulacan dahil sa ipinagawang rebulto para rito. Malayung-malayo raw kasi ang mukha ng rebulto kaysa sa tunay na hitsura ni Heneral Isidoro Torres.

Imahe mula sa Facebook account ni Atty. Toppie Torres

Ang unveiling ng monumento ay itinapat sa ika-155 na kaarawan ni Heneral Torres noong Sabado, ika-10 ng Abril. Isang seremonya ang ikinasa sa araw na iyon upang bigyan ng pagpupugay ang bayaning katipunero, subalit hindi na itinulo. Bagkus ay isang simpleng pag-aalay ng bulaklak na lang ang ginawa.

Ito ay dahil na rin sa kahilingan ng mga kamag-anak ng heneral. Bagama’t ipinagpapasalamat nila ang pagkilala sa kanilang kaanak, nadismaya sila sa mukha ng rebulto.

Noong ika-7 ng Abril ay nanawagan si Atty. Toppie Torres, apo ng heneral, na tutulan ang unveiling ng rebulto.

“Hindi ito ang wangis ni Doro. Samahan ninyo po ako na kalampagin ang kinauukulan bago pa ito ay pasinayaan sa darating na ika-10 ng Abril taong kasalukuyan. Hindi po ito ang kanyang anyo. Nagiging usapan na at pinagtatawanan, at kung kani- kanino inihahalintulad. Ating tutulan. Ang kabayanihan ni Hen. Isidoro Dayao Torres para sa kalayaan at pagmamahal sa bayan ay hindi dapat na kutyain, bagkus ay maging halimbawa ng pagmamahal sa bayan,” post ni Atty. Torres sa Facebook.

Atty. Toppie Torres at Hen Isidoroi Torres/Imahe mula sa Facebook account ni Atty. Toppie Torres

Sumulat din ang pamilya ng heneral kay Malolos Mayor Gilbert Gatchalian upang ipabatid ang kanilang saloobin sa ginawang rebulto.

“Hindi ito kamukha o kahawig man lang. Marami ang tumututol dahil ginawang kenkoy o katawa-tawa ang mukha ng aming lolo,” saad sa bahagi ng liham.

Imahe mula sa Facebook account ni Atty. Toppie Torres

Si Heneral Isidoro Torres ay kilala sa tawag na “Matanglawin.” Noong 1897 ay ginawa siyang brigadier general ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Pinangunahan niya ang 6,000 na kawal na nagmartsa at nagsagawa ng parada noong inagurasyon ng unang Republika ng Pilipinas noong ika-23 ng Enero 1899 sa Malolos, Bulacan.

Imahe mula sa Wikipedia

Loading…