Rep. Mike Defensor mamimigay ng Ivermectin sa mga taga-Quezon City

Imahe mula sa GMA News/ABC7
  • Mamimigay ng Ivermectin si Rep. Mike Defensor sa mga residente ng QC
  • Bahagi umano ito ng programa ng kaniyang tanggapan habang wala pa ang bakuna kontra COVID
  • Nagpaalala muli ang FDA na wala pang sapat na data na magpapatunay na maaaring gamitin ang Ivermectin laban sa COVID-19

Libreng mamamahagi ng kontrobersyal na gamot na ivermectin sa mga residente ng Quezon City si Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor.

Ang Ivermectin, isang anti-parasitic na gamot para sa mga hayop, ay sinasabi ng ilan na mabisa umano kontra COVID-19; bagay na hindi sinang-ayunan ng Food and Drugs Administration (FDA) at maging ng World Health Organization (WHO).

Sa kaniyang Facebook, inanunsiyo ni Defensor na mamimigay ang kaniyang tanggapan ng Ivermectin habang wala pa ang bakuna laban sa COVID.

Imahe mula sa Facebook/ Rep. Mike Defensor

“Ang akin pong tanggapan ay maglulunsad ng isang programa na kung saan ang ating mga kababayan sa Lungsod Quezon ay magkakaroon ng “access” sa gamot na IVERMECTIN,” anang pahayag ng kongresista.

Ipamamahagi umano ito nang libre sa mga higit na nangangailangan at uunahin muna ang mga maysakit at mga senior citizens ng lungsod.

Sa mga nais makatanggap, maaari lang magpadala ng private message sa kaniyang Facebook page para malaman ang bilang ng mga nangangailangan.

Imahe mula sa MedPage

“Pagpaumanhin po na hindi pa sapat ang produksiyon ng IVERMECTIN sa ngayon kaya’t kailangan nating ayusin ang pamamahagi nito,” dagdag pa ni Defensor.

Walang sapat na data

Samantala, sinabi naman ni FDA Director Dr. Eric Domingo na wala pang sapat na data na magpapatunay na ang Ivermectin ay mabisang panggamot laban sa COVID.

“There is no conclusive data at this time to show that Ivermectin is effective in treating COVID-19. It is an anti-parasitic drug,” ani Domingo sa mensaheng ipinadala sa Inquirer.

Imahe mula sa PNA

Maging ang compounded version umano ng Ivermectin ay wala pa ring sapat na data na nagsasabing ito ay mabisang panlaban sa COVID-19.

Sa kasalukuyan wala pang rehistradong Ivermectin sa FDA na maaaring gamitin sa tao, giit ng opisyal.

Nauna na ring nagpalabas ng pahayag ang WHO na hindi nila inirerekomenda ang Ivermectin kontra-COVID dahil nga wala pang sapat na katibayan na mabisa ito para labanan ang naturang sakit.

Loading…