Roque posibleng ginamit ang kuwarto sa PGH na nakareserba sa Presidente – Solon

Screenshot mula sa Facebook Live ni Sec. Roque
  • Maaaring ginamit ni Roque ang kuwarto sa PGH na nakareserba para sa Pangulo ng bansa
  • Ito ang hinala ni dating DOH secretary Janet Garin
  • Iginiit naman ni Roque na walang ‘palakasan’ sa PGH

Sa gitna ng mga tanong kung paano kaagad na-admit sa Philippine General Hospital (PGH) si Presidential Spokesperson Harry Roque kahit punuan na ito ay may teorya tungkol dito si dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janet Garin.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Garin na maaaring ipinagamit ng PGH kay Roque ang kuwartong karaniwan ay naka-reserba sa Pangulo ng Pilipinas.

Imahe mula sa Philippine News Agency

“As former secretary of health, I am not sure if it still stays now pero sa pagkakaalam ko ang PGH as a hospital ay meron po ‘yang kwarto na naka-reserve for the President of the Republic of the Philippines,” ani Garin.

Sa pagkakaalam niya umano ay ang PGH lamang ang pagamutan sa Pilipinas na mayroong nakareserbang kuwarto para sa lider ng bansa.

“Baka lang nung nangyari ito at kailangan siyang dalhin sa ospital ay nakiusap siya na i-waive iyon ng Presidente at ipagamit sa kanya,” dagdag pa ng mambabatas.

Imahe mula sa Facebook page ng PGH

Ang patakaran umano na pagrereserba ng PGH ng isang room para sa Pangulo ay matagal nang ipinatutupad kahit noong hindi pa siya kalihim ng DOH.

Hindi lang daw ito nabibigyan ng pansin sapagkat ang mga naging presidente ay karaniwang mas pinipili na dalhin sa pribadong ospital.

Walang palakasan – Roque

Samantala, iginiit naman ni Roque na hindi pinaiiral sa PGH ang ‘palakasan’ kahit pa marami ang dismayado na naunahan pa niyang makakuha ng kuwarto sa naturang pagamutan ang maraming pasyente na nakapila sa ER habang naghihintay para ma-admit.

Ani Roque, kaagad daw siyang tinanggap sa PGH dahil sa kaniyang naging kondisyon noon.

Imahe mula sa PCOO

“Hindi pwede ang palakasan dito. Noong ako ay pinapasok ng aking mga doctor, it was because the condition merited the admission,” paliwanag nito.

“I can assure you na gaya ng lahat ng hospital, ang basis for admission kailangan moderate at severe cases. Sa aking kaso, I was in bad shape when I was admitted,” ayon pa kay Roque.

Kaugnay nito, tinawag ding ‘un-Christian’ ni Roque ang naging kuwestiyon sa kaniyang madaliang pagkakuha ng kuwarto kahit punuan na ang mga ospital sa Metro Manila.

Hindi raw ito ‘maka-Kristiyano’ kasi nais bagang ipahiwatig ng tanong na nakapanlamang siya ng kapwa-tao dahil sa kaniyang ginawa, saad ng tagapagsalita ng Malakanyang.

Loading…