Roque sa ‘ordinary room’ lang naka-confine; inabot ng 4 na araw bago na-admit sa PGH

Screenshot mula sa RTVM video
  • Nasa ordinaryong kuwarto lamang naka-confine si Sec. Harry Roque
  • Taliwas ito sa sinabi ni Garin na posibleng ginamit niya ang kuwartong nakareserba sa Pangulo
  • Apat na araw din daw ang kaniyang hinintay bago na-admit sa PGH

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa ‘ordinaryong kuwarto’ ng Philippine General Hospital (PGH) lamang siya naka-confine; taliwas sa hinuha ni dating Health Secretary Janet Garin na posibleng ginamit niya ang kuwartong nakareserba sa Pangulo.

Si Roque ay nakatakda nang lumabas nitong Huwebes matapos ang anim na araw sa PGH dahil sa COVID-19 at pinabulaanan niya ang teoryang inilabas ni Garin.

Screenshot mula sa RTVM video

“Nasa ordinaryong room po ako,” ani Roque sa kaniyang regular press briefing matapos hingan ng komento tungkol sa sinabi ng dating DOH chief.

Maliban dito, nagpaliwanag rin ang kalihim para sagutin ang mga tanong kung paano siyang nakakuha agad ng kuwarto sa PGH gayong punuan na ito at maraming nakapila sa emergency room ng ospital na pawang naghihintay na makakuha ng kuwarto.

“Apat na araw po, it took four days before I could actually enter. Noong nagsimula po akong magkaroon ng symptoms, binigyan ko lang po ng timbre ang aking mga doctor dito sa PGH and it was only when my oxygen level went down to 90 that I was asked to come in. So, apat na araw din po sila nabigyan ng timbre na baka ako po ay pumasok,” paglilinaw ng opisyal.

Ex-DOH chief Jaent Garin| Imahe mula sa Philippine News Agency

Nakatakda na rin siyang i-discharge matapos ang anim na araw sa PGH at ililipat sa isang temporary treatment and monitoring facility (TTMFs) kung saan naka-isolate ang mga pasyenteng mayroong mild na sintomas ng COVID-19.

Nauna nang iginiit ni Roque na hindi pinaiiral sa PGH ang ‘palakasan’ kahit pa marami ang dismayado na naunahan pa niyang makakuha ng kuwarto ang maraming pasyente na naghihintay sa ER.

Imahe mula sa Facebook page ng PGH

Tinawag din niyang ‘un-Christian’ ang naging kuwestiyon sa kaniyang madaliang pagkakuha ng kuwarto kahit punuan na ang mga ospital sa Metro Manila.

Hindi raw ito ‘maka-Kristiyano’ kasi nais bagang ipahiwatig ng tanong na nakapanlamang siya ng kapwa-tao dahil sa kaniyang ginawa, ayon sa kalihim.

Loading…