Sec. Lorenzana, nagpatulong sa US counterpart para mai-deliver agad ang 20M doses ng Moderna vaccines

Imahe mula sa MedPage Today
  • Humingi ng tulong sa kanyang US counterpart si Defense Sec. Lorenzana na mapabilis ang pag-deliver ng Moderna COVID-19 vaccine sa bansa
  • Noong nakaraang buwan pa um-order ang gobyerno ng 20 million doses ng Moderna vaccine sa pamamagitan ng tripartite agreement kasama ang private sector at vaccine manufacturer
  • Nangako si US Defense Sec. Austin na ipararating sa concerned office sa US ang hiling ni Sec. Lorenzana

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 cases sa bansa, hiningi ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana ang tulong ng kanyang US counterpart upang mapabilis ang pagde-deliver sa Pilipinas ng 20 million doses ng Moderna vaccine.

Imahe mula sa MedCity News

Ang pagpapa-expedite ng delivery ng Moderna vaccine ay hiniling ni Sec. Lorenzana, na chairman ng National Task Force Against COVID-19, kay US Secretary of Defense Lloyd Austin III sa kanilang pag-uusap sa telepono kamakailan lang.

Ayon sa tagapagsalita ng Department of National Defense na si Arsenio Andolong, nangako umano si Sec. Austin na titingnan nito ang naturang isyu at agad na ilalapit sa atensyon ng concerned office sa kanilang bansa.

Noong nakaraang buwan, ipinahayag ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez na umorder ang gobyerno ng 20 million doses ng Moderna COVID-19 vaccine sa pamamagitan ng tripartite agreement kasama ang private sector at ang American vaccine manufacturer.

Sa ilalim ng tripartite agreement, 13 million doses ang mapupunta sa pamahalaan at ang natitirang 7 million doses ay para sa pribadong sektor na pinangunahan ng business tycoon na si Enrique Razon.

Imahe mula s WDRB

Ayon kay Sec. Galvez, sa buwan pa ng Mayo inaaasahang darating ang first batch o 194,000 doses ng Moderna vaccines.

Sa kasalukuyan ay nahaharap ang Pilipinas sa kakulangan ng COVID-19 vaccines kaya naman minabuti na ni Sec. Lorenzana na hingin ng tulong ng kanyang US counterpart.

Samantala, dumating ngayong araw, ika-11 ng Abril, ang 500,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines na binili ng Pilipinas mula sa China. Lulan ang mga ito ng isang PAL flight na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 dakong 5:10 ng hapon.

Imahe mula sa PAL

Loading…