Sen. Angara pinagagaya ang community pantries sa gov’t, private sector

Imahe mula sa Facebook account ni AP Non | Image by Sen. Sonny Angara via Facebook
  • Sen. Sonny Angara, hinihikayat ang gobyerno at pribadong sektor na gayahin ang mga community pantries
  • Angara: “We encourage our local government units, the national government, and even private businesses who can afford it to replicate and even scale up these community pantries to cater to even more people”
  • Hinihikayat din niya ang manufacturers ng food products na magbahagi ng kanilang production

Hinihikayat ni Sen. Sonny Angara ang mga sangay ng gobyerno at pribadong sektor na gayahin ang mga nagsusulputang community pantries ngayon sa bansa kung saan pupuwedeng magbigay ang mga may kaya batay sa kakayahan at ang mga nangangailangan ay kumuha batay sa kanilang mga pangangailangan.

Image by Sen. Sonny Angara via Facebook

Matatandaang nagsimula sa Maginhawa, Quezon City ang pagsasagawa nito na kagyat na ginaya ng maraming lugar sa bansa. Nagpapatunay na buhay na buhay ang bayanihan spirit sa ating mga mamamayan para tulungan ang mga nangangailangan.

Paghimok ng Senador, “We encourage our local government units, the national government, and even private businesses who can afford it to replicate and even scale up these community pantries to cater to even more people.”

Hinihimok din niya ang manufacturers ng food products na magbahagi ng kanilang production sa pamamagitan ng pagtatayo ng sariling pantry o magbigay sa mga existing pantries.

Hindi raw ito nangangailangan ng malakihang budget sapagkat kahit anong uri ng tulong ay mahalaga.

Nakapagbibigay ng pag-asa, ani Angara, ang makita ang bayanihan spirit na ipinapakita ng mga Pilipino na nagtatayo ng community pantries para tulungan ang mga mamamayan na nangangailangan sa mapanghamong panahon.

Pagpapatuloy nito, “Maliit na bagay kung tutuusin ang pamamahagi ng libreng gulay, prutas, bigas, tubig o noodles ng isang tao, pamilya o grupo ng tao, para sa mga naghihirap sa panahon na ito dahil sa nawalan sila ng hanapbuhay ay malaking tulong na ito para mapatid ang gutom hanggang sa makaahon na sila muli sa pandemiya na hinaharap ng ating bansa.”

Imahe mula sa Facebook account ni AP Non

“One small gesture when duplicated by a large number of people will amount to something very meaningful,” aniya.

BASAHIN: Community pantry sa Quezon City nagdulot ng saya at ngiti

Ayon sa nakaisip sa Maginhawa community pantry na si Ana Patricia Non, “Hindi nito masasagot ang root cause ng kagutuman pero okay na rin na pantawid-gutom sa mga nangangailangan. Mahirap magtrabaho, mag-aral at lumaban habang kumakalam ang tiyan.”

Imahe mula sa Facebook account ni AP Non
Source :

Senate, DF News

Loading…