Sen. Binay nagbiro sa paggamit ng Ivermectin: “Kung hayop ka, eh ‘di uminom ka”

Imahe mula sa Senate
  • Nagbiro si Senador Nancy Binay tungkol sa paggamit ng Ivermectin
  • Isa si Binay sa mga hindi pabor sa Ivermectin bilang panlaban kontra COVID
  • Noong isang araw ay inatasan na ng Palasyo ang FDA na magsagawa ng clinical trials ng naturang anti-parasitic na gamot sa hayop

Hindi pa rin pabor si Senador Nancy Binay sa paggamit ng Ivermectin kontra COVID-19 kahit ilan sa mga mambabatas mismo ang nagsusulong na ikonsidera ng gobyerno ang naturang anti-parasitic na gamot sa mga hayop.

Nagbiro pa ang senadora sa kaniyang panayam sa ANC nitong Miyerkules tungkol sa mga nagtatanong umano sa kaniya kung pabor siya na gumamit ng Ivermectin.

“Nakakatakot kasi ‘yung available lang dito sa Philippines ‘yung animal grade. Wala pang kumbaga approved ‘yung human-grade na Ivermectin,” ayon kay Binay.

Imahe mula sa Facebook ni Senador Nancy Binay

“May biruan nga eh, ‘pag may nagtatanong sa akin kung magte-take, ‘I guess kung hayop ka, eh ‘di uminom ka’,” dagdag pa nito.

Subalit sa seryosong usapan umano, kailangan pa ring hintayin na maaprubahan ng FDA ang Ivermectin bilang gamot sa COVID-19 lalo pa’t ang rehistrado lamang nito ay karaniwang human-grade.

Marami na naman daw ang nagsasagawa ng clinical trials ngayon ng Ivermectin sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa pag-asang mapatunayang mabisang panlaban nga ito sa COVID.

“Ako, number one, with this COVID problem, we should always follow the science. If the science say na it does not work, why do we need to take it? ‘Pag sinabi naman, it can help, it can treat then let’s go ahead and use this product,” paliwanag ni Binay.

Imahe mula sa Tribune

Kung matatandaan, namahagi kamakailan ng libreng Ivermectin sa mga residente ng Quezon City si Rep. Mike Defensor; isa sa mga nagsusulong para gamitin ito at umaming umiinom na rin siya.

Maging si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at dating Senador Juan Ponce Enrile ay umamin din na umiinom sila ng Ivermectin bilang pag-iingat kontra COVID.

Noong isang araw ay ibinahagi ng Malakanyang na inatasan na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang FDA na magsagawa ng clinical trial para sa Ivermectin lalo pa’t isa ito sa murang gamot na mabibili ngayon.

Loading…