Solon nais gawing mandatory ang pagpapaturok ng COVID vaccine

Vaccination program ng gobyerno| Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Nais ng isang mambabatas na gawing mandatory sa mga Pinoy ang pagpapabakuna kontra COVID
  • Mabisang paraan umano ito para maabot ang tinatawag na ‘herd immunity’ ng populasyon
  • May agam-agam naman dito ang Palasyo lalo pa’t kapus pa rin ang supply ng COVID-19 vaccine

Isinusulong ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ang isang panukala na gawing mandatory na ang pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19.

Ang House Bill No. 9252 na ipinasa ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ay naglalayong amyendahan ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 upang gawing mandatory ang COVID vaccine sa lahat ng mga Pinoy base na rin sa magiging rekomendasyon ng Department of Health (DOH).

Rep. Elpidio Barzaga Jr.| Imahe mula sa Sagisag

Sa ilalim ng naturang panukala, ang COVID vaccine ay magiging libre at ito ay isasagawa sa mga pampublikong ospital o mga health center.

“The COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 shall be mandatory for persons as may be determined by the DOH and shall be given for free at any government hospital or health center, and as provided in Republic Act No. 11525, PROVIDED, That inoculation must, at all times, be science and evidence based,” nasasaad sa House bill ni Barzaga.

Ito rin umano ang mabisang paraan upang masugpo ang umiiral na pandemya at maabot ang tinatawag na ‘herd immunity’ ng populasyon ng bansa.

Subalit may agam-agam naman dito ang Malakanyang. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala pang pormal na posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing usapin lalo pa’t alam naman ng karamihan na kapus pa rin sa supply ng COVID vaccine hindi lamang ang Pilipinas kung hindi ang buong mundo.

Imahe mula sa PCOO

“Sa ngayon naman po, mukhang hindi naman kinakailangan mandatory ‘yan dahil inaantay pa natin ang bulko ng ating mga bakuna so tama lang naman na habang wala pa ang karamihan ng bakuna natin ay hindi pa nagnanais magpabakuna ang lahat,” paliwanag ni Roque.

Kung sakali man daw na talagang kailangan itong gawin at mayroon nang sapat ng supply para sa buong populasyon, maaaring gamitin ng gobyerno ang ‘police power’ ng estado upang ipatupad ito, ayon pa sa opisyal.

Loading…