‘Spider-Man’ namataang naglalagay ng mga goods sa isang community pantry

  • Isang naka-Spider-Man costume ang namataang namimigay ng tinapay at naglalagay ng goods sa isang community pantry, sa Cubao, Quezon City
  • Pinili niyang huwag ilantad ang kaniyang tunay na identity
  • Mas masaya na raw siya sa tahimik na pagtulong

Ikinagulat at ikinatuwa ng mga residente ng  7th avenue corner Liberty Barangay Socorro, Cubao, sa Quezon City ang pagdating ng superhero na si ‘Spider-Man’; hindi upang makipaglaban kundi upang mamahagi ng donasyon sa isang community pantry na matatagpuan sa naturang lugar.

Ayon sa isa sa mga nakasaksi nito na si Jessel Dumadag, ayaw magpakilala ng lalaki kaya minarapat nitong magsuot ng Spider-Man costume. Bukod pa sa pagbibigay ng donasyon ay tumulong din ito sa pamimigay ng mga tinapay. Nang dumating daw siya ay naging magaan daw ang mood ng mga tao, lalo na ang mga volunteers na mahahalatang pagod na.

Imahe mula sa Bayan Mo I-patrol Mo

“Mga pagod na rin po kasi ang mga volunteers noon at ubos na rin po ang donations so tuwang-tuwa po talaga kami,” aniya.

Ang naturang lalaki na nagtatago sa Spider-Man costume ay 18 taong gulang. Aniya, mas mahalaga raw sa kaniya ang makatulong kaysa makilala. Naniniwala umano siya sa konsepto ng community pantry lalo’t maraming mga tao ang talaga namang natutulungan nito.

Samantala, isang taon na ang nakalilipas, isang lalaki rin na nagtatago sa Spider-Man costume ang namahagi ng mga relief goods sa Tarlac, sa kasagsagan ng enhanced community quarantine. Siya ay nagngangalang Estefred Cordero Jr. na nagtatrabaho bilang isang photographer.

Sa Facebook post ni Cordero noong April 10, 2020, makikita ang pagdadala niya ng good vibes sa ilang mga residente mula sa mga kabahayan na kaniyang napuntahan sa Brgy. Sta. Lucia sa probinsiya ng Tarlac.

Lalaking nakasuot ng Spiderman costume, namataang namimigay ng relief goods sa Tarlac

Nagbahagi rin siya ng ilang mga larawan kasama ang mga residenteng labis ang tuwa matapos niyang bumista at mag-abot ng tulong sa kanila.

Imahe mula sa DF Balita

“Nais ko po kasing magbigay ng good vibes sa mga kapitbahay at maging inspirasyon na rin na kahit konting tulong ay makatulong sa iba,” ani Cordero.

Kung sino at nasaan ka man, Kuyang Spider-Man, saludo kami sa iyo!

Loading…