‘Talk to the People’ ni Pang. Duterte ngayong linggo kanselado muna – Palasyo

Screenshot mula sa RTVM Facebook video
  • Ipinagpaliban muna ang ‘Talk to the People’ ni Pangulong Duterte ngayong linggo
  • Walang malinaw na dahilan na ibinigay ang Palasyo maliban sa pagdami umano ng COVID sa bansa
  • Iniingatan lang daw ng Malakanyang ang kalusugan ng 76-anyos na lider ng bansa

Kanselado muna ang lingguhang ‘Talk to the People’ ni Pangulong Rodrigo Duterte na karaniwang ginagawa tuwing Lunes o Martes nang gabi.

Wala namang ibinigay na malinaw na dahilan ang Malakanyang maliban sa patuloy umano na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa nitong mga nagdaang linggo.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

“The Palace confirms that President Rodrigo Roa Duterte will not have a Talk to the People Address tonight, April 7, 2021, in light of the rising number of active Covid-19 cases,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang press briefer nitong Miyerkules.

Nakatakda na sanang gawin ng Pangulo ang kaniyang regular na televised briefing noong Lunes subalit naudlot ito sa hindi pa malamang dahilan. Sinabi rin ni Roque na nitong Miyerkules na lang ito gagawin subalit hindi na rin daw matutuloy.

“Next week na,” ang maikling paliwanag ni Roque sa kaniyang mensahe sa mga mamamahayag.

Sa dagdag na pahayag na inilabas ng Palasyo, sinabi nitong iniingatan lang nila ang kalusugan ng 76-anyos na presidente. Ani Roque, “The physical safety of the President remains our utmost concern.”

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

“In addition, the preparation for the Talk to the People Address entails a number of staff complement and we also take due consideration of their well-being. Please be guided accordingly,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Malakanyang.

Sinabi naman ni Senador Bong Go sa isang panayam sa radyo na maraming miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang nagpositibo sa COVID-19 kaya iniiwas muna sa kanila ang Pangulo.

Tiniyak din ng mambabatas na hindi nahawahan ng sakit ang lider ng bansa na huling nakita sa publiko noong Marso 29 nang kaniyang salubungin ang pagdating ng 1 milyong doses ng Sinovac vaccine mula sa China.

Loading…