‘Tama lang na tumanaw ng utang na loob sa China’ – Palasyo

Screenshot mula sa RTVM video
  • Dinepensahan ng Palasyo ang naging pahayag ng Pangulo tungkol sa pagtanaw ng ‘utang na loob’ sa China
  • Tama lang daw ito dahil likas sa mga Pinoy ang tumanaw ng utang na loob lalo na’t tumanggap ng tulong
  • Maging sa COVAX facility ay nagpapasalamat din daw ang presidente

Ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan sinabi ng huli na tumatanaw umano siya ng ‘utang na loob’ sa China kaya hindi natin maaaring kalabanin ito.

Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang iringan ng dalawang bansa tungkol sa pagkamkam ng China sa ilang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Screenshot mula sa RTVM video

Ayon pa sa Pangulo, itinuturing niyang isang ‘malapit na kaibigan’ ang China kaya ayaw niyang umabot sa digmaan ang hidwaan ng dalawang bansa.

“We do not want war with China. China is a good friend,” wika ni Duterte. “Mayroon tayong utang na loob na marami pati ‘yong bakuna natin.”

Matapos mabatikos, dinepensahan naman ng Malakanyang ang naging pahayag ng Pangulo. Ayon kay Roque, likas sa ating mga Pilipino ang tumanaw ng utang na loob lalo pa’t nakatatanggap tayo ng tulong.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Pagdating po sa utang na loob, alam mo naman tayong mga Pilipino, hindi po tayo bulag sa mga tulong na natatanggap natin,” saad ni Roque.

Partikular na tinukoy ni Roque ang Sinovac vaccine na ibinigay nang libre ng China at siya ring kauna-unahang bakuna na dumating sa bansa.

“Ilang buwan na tayong nagsimula, Sinovac lang naaasahan talaga natin. Tama lang po na tumanaw ng utang na loob,” giit pa ng kalihim.

Imahe mula kay Harry Roque

Sa 4.025 milyong COVID vaccine na natanggap ng Pilipinas, malaking bahagi nito ay Sinovac vaccine kabilang na ang 1 milyong doses na donasyon ng China.

Nilinaw rin ni Roque na nagpapasalamat din ang Pangulo sa COVAX facility dahil sa libreng bakuna na natanggap ng Pilipinas. Maging sa donasyong ito ay tumatanaw din umano ng utang na loob ang presidente.

Loading…