The original 3-in-1: Naaalala mo pa ba ang iconic Tupperware caddy lagayan ng kape, asukal, at creamer?

  • Binalikan ng mga netizen ang isang iconic na lagayan noong 80s hanggang 90s
  • Naging pamilyar para sa marami ang nasabing lalagyan dahil ito ay naging sisidlan ng kape, creamer, at asukal
  • Kahit ilang dekada na ang lumipas nang sumikat ito, nasa maayos na kondisyon pa ang Tupperware caddy ng ilang netizens

Sa panahon ngayon, halos lahat na nga raw ng bagay ay instant. Maging ang paboritong kape ng mga Pilipino ay instant na. Nasa isang pakete na ang timplang hinahanap mo at magkakasama na ang kape, creamer, at asukal.

Ngunit kung batang 80s at 90s ka, paniguradong kinalakihan mo ang mano-manong pagtitimpla ng kape. At dahil coffee is life ang mga Pilipino, nauso rin ang isang uri ng lagayan na sinasabing ang “trinity” daw para sa mga mahilig magkape.

Larawan mula sa Carousell

Sa isang post sa Facebook group na Nostalgia Philippines, binalikan ng netizen na si Ann Velez ang iconic na Tupperware caddy mayroong tatlong lalagyan na sinasabi niyang original 3-in-1. Naging sikat kasi ang lagayang ito dahil perfect itong paglagyan ng kape, creamer, at asukal noong mga panahong hindi pa uso ang instant coffee mixes.

Ayon sa isang advertisement sa online selling site na Carousell, ang lagayang ito ay tinatawag na Tupperware condiment caddy. Hindi naman daw ito idinesenyo lamang para lagayan ng kape. Kahit anong sangkap sa kusina ay maaari mong ilagay rito.

Nagbahagi naman ng kani-kanilang karanasan ang mga netizen na naka-relate sa nostalgic na Tupperware product. Ayon sa ilan, mayroon din silang ganitong lalagyan dahil dealer noon ng Tupperware brand ang nanay nila. Madalas daw itong gift kapag naabot ang quota ng isang dealer.

“Mayroon kami niyan kasi dealer ng Tupperware nanay ko. Dati madalas mga gift kapag na-reach quota… Kaya lang nawawala pag may handaan. Alam na this,” pahayag ng isang netizen.

Larawan mula sa Facebook comment ni Rosa Alfonso

Ang iba naman, masinop sa gamit dahil hanggang ngayon ay buhay pa rin ang kanilang condiment caddy. Para nga sa ilan, itinuturing nila itong yaman dahil hindi nga naman biro ang makapag-invest ng mga ganitong gamit noong araw. Ang iba nga, mas matanda pa raw sa mga anak nila ang mga gamit na mula sa Tupperware.

“That’s Tupperware and i have one. Still in good condition even if it is older than my 40 year old son. That’s for your coffee, creamer and sugar,” pagmamalaki naman ng isang netizen.

Ikaw, nagkaroon ka rin ba ng iconic Tupperware product na ito?

Loading…