Tulungan si Nanay: Panawagan na suportahan ang 78-anyos na tindera sa footbridge lumalawak na

  • Trending sa social media ang post tungkol sa isang 78-anyos na lolang patuloy na nagbebenta sa kabila ng pandemya
  • Ayon sa post ng isang netizen, nananawagan siyang suportahan si lola sa kanyang pagtitinda sa isang footbridge sa Batasan, Quezon City
  • Marami naman ang naantig sa post at patuloy na sine-share ito sa social media upang makakuha ng suporta para kay lola

Kamakailan, kumalat ang panawagan sa social media na suportahan ang mga online sellers. Ayon sa ilang netizens, magiging malaking tulong kung ang bawat isa ay bibili o ‘di kaya naman ay ipakakalat o ibabahagi ang posts ng mga kakilalang online sellers upang makabenta sila sa panahon ng pandemya.

Ngayon, maliban sa online sellers, dumarami na rin ang panawagan online na suportahan din ang mga matatandang tindero at tindera na makikita sa iba’t ibang kalye at matataong lugar sa bansa.

Larawan mula sa Facebook post ni Teodoro V. Lanuza, Jr.

Isa na rito ang trending post ng netizen na si Teodoro V. Lanuza, Jr. sa isang Facebook group.

Sa kanyang post, makikita ang larawan ng isang lolang patuloy ang pagkayod sa kabila ng pandemya. Lahad ni Teodoro sa kanyang post, ang matandang tindera ay 78 anyos na.

Makikita raw si nanay na nagbebenta ng mga wallet at pansalo sa ulo sa isang footbridge sa may Batasan, Quezon City. Kahit na senior citizen na at dapat ay nasa bahay na lamang dahil itinuturing ang katulad ni nanay na kabilang sa high risk sector ngayong panahon ng pandemya, ay patuloy pa rin ito sa pagkayod para sa pamilya.

Panawagan ni Teodoro sa post sa mga taga-Batasan at karatig lugar na nadaraan sa nasabing footbridge, ay suportahan naman daw ang matanda sa kanyang tinda upang mabilis itong makabenta at makauwi sa kanilang tahanan.

“Good day po! Pakisuportahan po natin si Nanay. Seventy-eight years old pero masipag na nagbebenta sa Batasan, sa may dulo ng footbridge… Nanghingi ako ng permiso sa pagkuha ng larawan para matulungan ko po siya sa kanyang tinda,” caption ni Teodoro sa kanyang post.

Larawan mula sa Facebook post ni Teodoro V. Lanuza, Jr.

Marami ang naantig sa kalagayan ng matanda at humanga na rin sa kanyang kasipagan. Kaya naman hindi nabigo si Teodoro dahil agad na nag-viral online ang kanyang post. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang higit 10,000 reactions at 24,000 shares ang post niya.

May ilang netizens na ang pupuntahan daw si nanay upang mabilhan sa kanyang paninda habang ang iba naman ay mag-aabot ng tulong.

Loading…