UAE planong mag-donate ng 500,000 doses ng Sinopharm vaccine sa Pinas – Galvez

Imahe mula sa Nikkei Asia
  • Balak ng UAE na mag-donate ng 500,000 doses ng Sinopharm, ayon kay Sec. Galvez
  • Wala pa namang pormal na kumpirmasyon ang UAE tungkol dito
  • Ang Sinopharm ang napaulat na ginamit noon ng mga miyembro ng PSG

May plano umano ang United Arab Emirates (UAE) na magbigay ng 500,000 doses ng Sinopharm vaccine sa Pilipinas ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez.

Ang Sinopharm vaccine, na gawa rin sa China, ang kasalukuyang ginagamit ngayon ng UAE government para sa lahat ng kanilang residente kabilang na ang mga Pinoy expatriates na nagtatrabaho doon.

Imahe mula sa NEDA

“I believe ‘yung UAE, they have the intention of donating 500,000 na Sinopharm,” bahagi ni Galvez sa ginawang press briefing ng Palasyo nitong Huwebes. Subalit wala pang malinaw na detalye tungkol sa nasabing donasyon at wala ring pormal na kumpirmasyo ang UAE tungkol dito.

Kung magugunita, ang Sinopharm ang sinasabing itinurok noong nakaraang taon sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na naging kontrobersiyal pa dahil wala pa itong emergency use authorization (EUA) mula sa FDA.

Imahe mula sa PSG-Facebook

Ito rin ang bakunang ginamit ng ilang negosyante umano sa Binondo, Maynila, at maging ni PNP chief General Debold Sinas na ibinulgar noon ng kolumnistang si Mon Tulfo.

Napaulat noong Marso na magsisimula nang mag-produce ng Sinopharm vaccine ang UAE sa pakikipagtulungan ng Sinopharm CNBG at kumpanyang G42 ng Abu Dhabi.

Dahil dito, ang UAE ang magiging kauna-unahang bansa sa Middle East na gagawa ng kanilang sariling bakuna na malaking tulong para madagdagan ang supply hindi lamang sa rehiyon kung hindi pati na sa buong mundo.

Imahe mula sa Arab News

“We are proud to partner with G42 in this new joint venture that will play a vital role in combating COVID-19 globally, making an indelible contribution to the health of our communities,” pahayag noon ng CEO ng G42 na si Peng Xiao.

Sa kasalukuyan, nakapag-supply na ang Sinopharm ng mahigit 100 milyong doses ng kanilang bakuna sa iba’t-ibang bansa sa mundo. Base sa ginawa clinical trial, ang kanilang bakuna ay may 86% efficacy kontra COVID-19.

Loading…