Unang Pinay na nanalo ng championship sa major foreign volleyball league, inalok na maging Japanese citizen

Imahe mula sa Saitama Ageo Medics
  • Pinay volleyball star gumawa ng kasaysayan bilang unang Filipina na nanalo ng championship sa  isang major foreign volleyball league
  • Si Jaja Santiago ay naglaro sa Japanese V Cup sa ilalim ng Saitama Ageo Medics team bilang import
  • Nakatakdang maglaro si Santiago sa Premium Volleyball League  sa bansa sa April 10, 2021 sa ilalim ng koponang Cherry Tiggo 7 Pro Crossovers

Nakuha ng Saitama Agero Medics, isang Japanese volleyball team, ang kampeonato sa katatapos lang na Japanese V Cup kung saan import ng koponan ang Pinay volleyball star na si Jaja Santiago.

Imahe mula sa Saitama Ageo Medics

Si Jaja Santiago, na produkto ng National University na nakatanggap na ng major University Athletics Association of the Philippines awards kabilang ang most valuable player, ay gumawa ng kasaysayan bilang ang kauna-unahang Filipino na nanalo ng championship sa isang major foreign volleyball league.

Sa isang panayam, ikinuwento ni Jaja Santiago na inalok siya ng Japan na magpalit ng citizenship at maging isang Japanese citizen.

Kung tatanggapin raw niya ang alok ay may pagkakaton siya na irepresenta ang Japan sa mas malalaking kompetisyon tulad ng Olympics at World Championship.

“Kalagitnaan palang ng liga, kinakausap na nila ako na mag-stay ng maraming taon pa. Gusto nila akong tulungan na palitan ‘yung nationality ko actually,” sabi niya sa Volleyball DNA YouTube channel na ang host ay ang sports commentator na si Anton Roxas.

Screenshot mula sa Volleyball DNA video

Aminado siya na pangarap niyang makapaglaro sa Olympics, pero gusto raw muna niyang tulungan ang Pilipinas.

“Well, may dream akong maglaro ng Olympics pero gusto ko munang tulungan ‘yung bansa natin. Doon sa goal ko na ‘yun, gusto ko kasama ko kapwa Pilipino ko,” sabi niya.

Nasa Pilipinas na si Jaja Santiago at kasalukuyang tinatapos ang required quarantine period para sa mga travelers mula sa ibang bansa. Nakatakda siyang maglaro sa Premium Volleyball League (PVL) ng bansa na gaganapin sa The Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Imahe mula sa Saitama Ageo Medics

Inaasahang magsisimula ang liga sa ika-10 ng Abril. Tatawagin iyong “PVL bubble” o “Calambubble.”

Maglalaro siya  sa ilalim ng koponang Cherry Tiggo 7 Pro Crossovers.

 

Source :

CNNPH, YouTube

Loading…