Vice Gov. Jolo Revilla nag-sorry matapos malito at gawing ‘bayani’ si Ferdinand Magellan

Imahe mula sa Facebook
  • Nagdulot ng kalituhan ang Facebook post ni Cavite Vice Gov. Jolo Revilla
  • Nasasaad kasi rito ang pagiging bayani raw ni Magellan, sa halip na si Lapu-Lapu
  • Humingi naman ng paumanhin si Revilla matapos itong mapansin ng mga netizens

Nagdulot ng kalituhan ang social media post ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla na may kaugnayan sa paggunita sana sa ika-500 taon ng tinaguriang ‘Victory at Mactan’ na tumutukoy sa naging laban sa pagitan nina Ferdinand Magellan at Lapu-Lapu.

Nabanggit kasi sa naturang Facebook infographics na isa ang Portuges na si Magellan sa mga ‘unang bayani’ ng Pilipinas sa halip na ang Pinoy at Cebuanong si Lapu-Lapu.

Imahe mula sa Facebook

“Isang pagsaludo sa kagitingan ng isa sa mga unang bayani ng bayan na si Ferdinand Magellan na nagbuwis ng kanyang buhay para sa kalayaan 500 taon na ang nakararaan!,” ayon sa post ng actor-politician kung saan makikita rin ang larawan ng rebulto ni Lapu-Lapu.

Mabuti na lamang at napansin ng mga netizens ang pagkakamali kaya tinanggal ang nasabing post sa Facebook makaraan ang tatlong oras.

Humingi na rin ng paumanhin ang Bise Gobernador dahil sa kalituhang naidulot ng post sa social media.

Screenshot mula sa Facebook

“I apologize for the earlier confusing post on our celebration of Lapu-lapu’s victory in Mactan 500 years ago,” ayon kay Revilla.

Isinisi rin ng opisyal ang pagkakamali sa kaniyang social media team na siyang nagbahagi umano ng larawan.

“An intern in our social media team posted the caption to our meme without first clearing it. Again, my sincerest apologies to our Cebuano kababayans and to all Filipinos,” wika pa ni Jolo.

Imahe mula sa Facebook

Hindi naman nakaligtas ang post ni Revilla sa pagbibiro ng mga netizens.

Mababasa sa comment section ng tinanggal na post ang mga sumusunod: “Si Machete po talaga ‘yan”, “History teacher left the group”, at “Sure na po ba tayo na si Ferdinand Magellan ito?”.

Nitong Martes, Abril 27, ang simula ng paggunita sa ika-500 anibersaryo ng ‘Victory at Mactan’ kasabay na rin ng paggunita ng kauna-unahang nakumpleto na ‘circumnavigation’ ng mundo. Ito ay may temang “Victory and Humanity” at pinangungunahan ng National Quincentennial Committee (NQC).

Loading…