West PH Sea ‘wag hayaang gawing ‘community pantry’ ng China – Solon

Imahe mula sa NTF-WPS
  • May pahaging si Rep. Carlos Zarate sa tila ‘kawalang-aksiyon’ ng Pilipinas sa usapin ng WPS
  • Sana raw ay ‘wag nating hayaang gawing ‘community pantry’ ng China ang ating teritoryo
  • Nagsalita na rin si Pangulong Duterte tungkol sa isyu matapos ang ilang linggong pananahimik

May pahaging si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa Malakanyang hinggil sa tila kawalan ng aksiyon ng Pilipinas sa patuloy na pananakop at pagkamkam ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Iniuugnay ito ng kongresista sa nauuso ngayong community pantry kung saan sinuman ay maaaring kumuha ayon sa pangangailangan at magbigay din ng ayon naman sa kanilang kakayahan.

Rep. Zarate| Imahe mula Facebook

Ani Zarate sa kaniyang Twitter post nitong Martes, huwag sanang hayaan ng Pilipinas na gawing ‘community pantry’ ng China ang West Philippine Sea.

“Ang West Philippine Sea ay hindi isang #CommunityPantry  na basta na lang nating hayaan ang China na “kumuha ayon sa pangangailangan”, maging mga isda man yan o mga bahura natin!” wika ng tweet ng mambabatas.

Nauna nang sinabi ni Zarate na hindi sapat kahit pa ‘araw-arawin’ ng Manila ang diplomatic protest kontra Beijing dahil malinaw na hindi kinikilala ng komunistang bansa ating exclusive economic zone (EEZ) at patuloy pa ring iginigiit na kanila ang Julian Felipe Reef.

Screenshot mula sa Twitter

Ang kailangan umano ay magsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte at tuligsain ang ginagawang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.

Samantala, makaraang ang ilang linggong pananahimik ay naglabas na rin ng pahayag ang Pangulo tungkol sa isyu ng hidwaan ng dalawang bansa.

Ayon kay Duterte, kahit ilang ‘balik’ pa ang gawin natin sa naturang lugar ay walang mangyayari dahil hindi natin ‘pag-aari’ ang karagatan.

Imahe mula sa NTF-WPS

“Even if you go there and claim it, walang mangyayari, kanila talaga eh, sa isip nila kanila,” saad ng Pangulo sa kaniyang televised briefing nitong Lunes nang gabi.

Aminado rin si Duterte na ang hidwaang ito ay mananatili nang matagal na panahon at wala siyang nakikitang solusyon para mabawi ang ating teritoryo kung hindi sa pamamagitan lamang ng digmaan.

Loading…