Whang-Od, ang huling mambabatok ng Cordillera, itinampok sa popular na Nas Daily vlog

Screenshot mula sa Nas Daily video
  • Itinampok si Whang-Od sa popular na Nas Daily vlog
  • Si Whang-Od ang tinaguriang huling mambabatok  ng Cordillera
  • Sa edad na 103 ay patuloy pa rin sa pagta-tattoo si Whang-Od

Itinampok ng Palestinian-Israeli vlogger na si Nuseir Yassin sa kanyang popular na vlog na Nas Daily si Whang-Od, ang pinakamatandang tattoo artist sa buong mundo sa edad na 103.

Screenshot mula sa Nas Daily video

Ang vlog tungkol kay Whang-Od ay bahagi ng “Stories of Ramadan” series ng Nas Daily.

Ikinuwento ni Nuseir sa kanyang vlog na noong bumisita siya dito noon sa Pilipinas ay nagulat siya nang malaman na maraming turista ang nagtutungo sa Barangay Buscalan sa Tinglayan, Kalinga para magpa-tattoo kay Whang-Od.

“When I was in the Philippines, I met a lot of tourists who came to the country not to see the beaches but to get a tattoo from the 103-year-old lady,” ayon sa vlogger.

Ipinakita ni Whang-od sa crew ng Nas Daily ang proseso niya sa pagta-tattoo tulad ng paggamit niya ng tinik ng isang halaman bilang “karayom” at ang paggawa ng sariling tinta na ginagamitan ng uling at tubig.

Sa video, sinabi ng mambabatok na masakit ang pagpapa-tattoo, pero may paraan umano siya para hindi masyadong maging madugo ang proseso.

Screenshot mula sa Nas Daily video

Hindi rin umano puwede na ang sariling disenyo ang ipapa-tattoo. Maaari lang pumili sa mga disenyo ni Whang-Od, na bawat isa ay may kahulugan o may sinisimbolo.

Ayon kay Whang-Od, wala raw nagturo sa kanya kung paano mag-tattoo. Natuto lang daw siya sa panonood sa iba noong bata pa siya. Aniya, itinuturo niya ito sa mga apo upang kahit wala na siya ay magpatuloy  ang tradisyon ng pagiging mambabatok.

Screenshot mula sa Nas Daily video

Sa edad na 103, sinabi ni Whang-Od na patuloy pa rin siya sa pagta-tattoo sa mga turista. Titigil lang daw siya kapag hindi na siya makakita.

Source :

Facebook, GMA

Loading…