Bilang ng COVID sa NCR patuloy na bumababa – OCTA

Imahe mula sa Manila STV
  • Patuloy na nasa ‘downward trend’ ang COVID cases sa NCR, ayon sa OCTA
  • Subalit ‘unstable’ pa rin umano ang ibang LGUs sa rehiyon
  • Makikita ang epekto ng ‘flexible MECQ’ sa loob ng isa o dalawang linggo

Patuloy na bumababa ang bilang ng COVID cases sa Metro Manila, ayon sa pinakahuling pahayag ng OCTA Research Group ng University of the Philippines (UP).

Sa panayam ng Teleradyo kay Dr. Guido David, sinabi ng OCTA Research fellow na nakikita nilang nasa ‘downward trend’ pa rin ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa national Capital Region (NCR) kahit pa niluwagan ang restrictions nitong nagdaang linggo.

Screenshot mula sa Eagle News video

Sa pagsisimula nitong buwan ng Mayo, pinalawig ng IATF ang MECQ sa Metro Manila at karatig-probinsiya subalit ginawa itong ‘flexible MECQ’ upang bigyang-daan ang pagbubukas ng ilang mga negosyo.

Kung ikukumpara umano noong nasa kasagsagan ng COVID ang NCR buwan ng Abril na umabot sa 5,000 halos ang daily average sa rehiyon, bumaba na ito sa 3,000 na lamang. Subalit nilinaw ni Dr. Guido na mararamdaman lamang ang tunay na epekto ng ‘flexible MECQ’ pagkatapos ng isa o dalawang linggo.

Bumaba na rin umano ang reproduction rate sa NCR sa 0.82 na lamang. Ang reproduction number ay ang bilang ng taong nahahawaan ng bawat isang nagpositibo sa COVID.

Imahe mula sa ABS-CBN News

“We can say it’s a downward trend pero unstable pa rin kasi ang ibang LGU (local government unit) ‘di pa ganun ka stable ang decrease nila,” ani Dr. Guido.

Ang may pinakamalaking ibinaba, ayon sa OCTA, ay ang Manila, Navotas, Pasay, at Pateros na kumonti nang nasa 75 porsiyento. Naobserbahan naman ang ‘flat trend’ sa Muntinlupa, Las Piñas, at Valenzuela; habang may pagbaba rin na nakita sa Parañaque at Mandaluyong bagama’t maliit lamang ito.

Para kay Dr. Guido, puwede nang luwagan ang restrictions sa mga susunod na linggo basta’t patuloy na higpitan ang pagpapatupad sa quarantine protocols.

Imahe mula sa Navotas City LGU

“We can do it gradually pero we have to reassess maybe by next week,” wika ng eksperto.

Kapag na-sustain umano ang trend na ito, hindi lang kokonti ang bilang ng COVID kung hindi luluwag na rin ang mga pagamutan sa Metro Manila.

Loading…