Classic looks: Kinilig ka ba sa mga matinee idol ng 90s at early 2000s sa kanilang katchupoy o “Kempee” hairstyle?

  • Binalikan ng netizens ang look ng ilang 90s at early 2000s matinee idol
  • Makikitang halos lahat sa kanila ay mayroong Kempee hairstyle na mas kilala rin bilang katchupoy
  • Ang naging standout naman sa mga matinee idol na may katchupoy na buhok ay sina Dingdong Dantes at Marvin Agustin

Sa panahon ngayon, ang mga oppa o Korean heartthrob  ang kinakikiligan ng marami. Sila rin ang nagsisilbing batayan ng fashion trend ngayon, kabilang ang hairstyle. At kapansin-pansin na ilan sa mga K-Pop stars ay mayroong “Kempee hairstyle” o mas kilala sa bansa bilang katchupoy.

Ngunit bago pa ang mga oppa, minsan na ring nauso sa mga matinee idol ng Pilipinas ang ganitong uri ng hairstyle. Sa katunayan, halos lahat ng leading men noong 90s at early 2000s ay dumaan sa ganitong klase ng ayos ng buhok.

Larawan mula sa Facebook post ni Seavey Connor

Sa isang post ng page na Seavey Connor, binalikan ang mga matinee idol na nagpakilig sa marami sa kanilang old looks. Kapansin-pansin sa compilation ng mga larawan na halos lahat sila ay naka-Kempee hairstyle o iyong may hati sa gitnang ayos ng buhok.

Ang mga nananatiling leading men ngayon na sina Dingdong Dantes, Carlo Aquino, Paolo Contis, at John Lloyd Cruz ang ilan sa mga nag-trending sa kanilang katchupoy na buhok. Kitang-kita sa larawan na batang-bata pa sila ngunit lutang pa rin ang kaguwapuhan sa kanilang pare-parehong hairstyle.

Narito rin sa compilation ng mga minsang sumubok ng katchupoy look ay ang mga artistang hindi na aktibo sa showbiz tulad nina Onemig Bondoc, Patrick Garcia, Wowie de Guzman, Danilo Barrios, Red Sternberg, at Dino Guevarra.

Ngunit ang isa sa nakakuha ng pinakamaraming reaction ay ang aktor at entrepreneur na si Marvin Agustin. Bagay na bagay kasi kay Marvin ang kanyang buhok na sinasabing kahawig pa ni Eugene mula sa anime na Gh0st Fighter.

Larawan mula sa Facebook post ni Seavey Connor

May mga nagsasabi rin na kahawig ni Marvin ang ilang Korean at Japanese actor sa kanyang thr0wback photo. Umabot lang naman sa 46,000 reactions, halos 1,000 comments, at 355 shares ang larawang ito ni Marvin.

Ipinahayag naman ng ilang netizen na maging sila ay dumaan sa katchupoy o Kempee hairstyle. Dahil uso noon, sinubukan din nila kung bagay sa kanila na ngayon ay hindi na maiaalis na bahagi ng kanilang kabataan.

Ikaw, nasubukan mo ang Kempee hairstyle noon?

Loading…