DILG inalerto ang publiko hinggil sa pekeng Pfizer COVID-19 vaccine

Imahe mula sa WHO
  • Naglabas ang DILG ng babala sa posibleng kumakalat na pekeng Pfizer vaccine na ibinebenta ngayon
  • Kaugnay ito ng inilabas na global alert ng WHO tungkol sa fake vaccine na unang nadiskubre sa Mexico
  • Inatasan na rin ng DILG ang PNP na tutukan ang naturang isyu dahil sa panganib na dulot nito sa mga gagamit

Nagbabala sa publiko at mga LGUs ang Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa diumano’y pekeng COVID-19 vaccine ng Pfizer na maaaring kumakalat na ngayon sa merkado.

Kasunod ito ng inilabas na global alert ng World Health Organization (WHO) para sa mga pekeng bakuna na unang nadiskubre sa Mexico kamakailan.

Imahe mula sa PCOO

Paalala ni Interior Secretary Eduardo Año, lahat ng mga gamot lalo na ang COVID vaccine ay dapat bilhin lamang sa mga awtorisado o lisensiyadong suppliers.

“While there is no information yet on the presence of the fake vaccines in the country, LGUs should exercise increased diligence as these fake vaccines may be dangerous to the health of those who get inoculated,” ani Año.

Ang global alert na inilabas ng WHO ay para sa palsipikadong Pfizer vaccine na nagtataglay ng product name na “BNT162b2”. Nakalagay rin umano rito ang lot number na “783201” at may expiration date na “AUG 24”.

Imahe mula sa SecuringIndustry.com

“Ngayong marami na namang kaso ng COVID-19, ang kailangan natin ay pag-iingat at proteksyon laban sa sakit na ito sa pamamagitan ng mga bakuna at hindi dagdag na problema na maaaring idulot ng pekeng bakuna,” dagdag pa ng kalihim.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Año ang PNP na tutukan ang naturang isyu para walang mapahamak sa mga posibleng gagamit nito.

Maaari ring i-report ng sinuman na mayroong kaugnayang impormasyon tungkol sa pekeng bakuna sa  National Task Force Vaccine Cluster sa pamamagitan ng e-mail address na [email protected] o kaya ay sa kanilang cellphone number na +639178237310.

Loading…