Duterte sa publiko: ‘Hintayin na lang ang ayuda sa halip na pumila sa community pantry’

Imahe mula sa RTVM/ Al Jazeera
  • Hinimok ng Pangulo ang mga tao na ‘wag nang pumila para makakuha ng makakain
  • Sa halip, tumambay na lang daw sa bahay at hintayin ang ayuda ng gobyerno
  • Lingid umano sa kaalaman ng marami, ‘lihim’ na namimigay ng tulong ang pamahalaan

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tao na manatili na lamang sa loob ng kanilang bahay at hintayin ang tulong ng gobyerno kesa sa lumabas pa at pumila sa mga community pantry para makakuha ng makakain.

Ito raw kasi ang dahilan kung bakit nagtitipon-tipon at nagkalapit-lapit ang mga tao kaya posible na namang tumaas ang kaso ng COVID sa bansa.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

Sa halip, mas mabuti pang ‘tumambay’ na lang umano ang mga tao sa kanilang bahay at hintayin ang ipinamimigay na ayuda ng pamahalaan.

“Ang mga tao, matigas kasi ulo ninyo. Ayaw ninyong maniwala. Sinabi na ngang mabuti na nga mag-istambay ka na lang. Alam n’yo, hindi ito biro, ‘pag tinamaan ka ng COVID,” ani Duterte.

“Ngayong, kayong mga wala talagang makain… maghintay lang kayo and try to communicate with your barangay captain. Ako, nagsabi ako, magbalot kayo ng pagkain, ibibigay ninyo ‘yan sa mga tao,” wika pa ng Pangulo.

Ayon pa kay Duterte, lingid sa kaalaman ng karamihan ay inatasan niya na ang pamahalaan na mamahagi ng tulong sa mga mahihirap na pamilya nang lihim at walang publicity.

Imahe mula sa DSWD

“May binibigay ko sa poorest of the poor. Sabi ko ‘yang walang trabaho, walang makain. Nagdi-distribute kami…Wala ‘yan silent lang. Sabi ko, ‘no publicity.’ Pero napipilitan akong i-publicize ‘yan,” bahagi pa ng presidente.

Binuweltahan din ng Pangulo ang bumabatikos sa gobyerno dahil sa pagpipigil nila sa mga ‘nagbibigay’ ng pagkain. Aniya, maaari raw kasi na hindi lang pagkain ang ibinibigay ng mga ito kung hindi pati sakit na rin at madadamay pa ang pamilya kaya ‘wholesale’ na ang mangyayari.

Community Pantry| Imahe mula sa Vatican News

Kung marami daw sanang pera ang pamahalaan, dagdag pa ng Pangulo, maaari sana siyang ‘magtapon’ ng pera subalit naubos na talaga dahil una nang naipamahagi ang P5,000 kada pamilya noon pa mang unang bugso ng ayuda.

Ganun pa man, patunay raw ito na kahit papaano ay may ginagawa ang gobyerno kahit kakaunti na lamang ang perang natitira.

Loading…